Home OPINION MOBILE ASSISTANCE APP PARA SA MGA OFW, INIHAHANDA NG DMW

MOBILE ASSISTANCE APP PARA SA MGA OFW, INIHAHANDA NG DMW

BILANG karagdagang serbisyo sa mga Overseas Filipino Wor­ker (OFW), may inihahandang app ang DMW o Department of Migrant Workers para makapagbigay ng kagyat na tulong sa OFWs na distress sa ibang bansa.

Lumagda sa isang MOU o memorandum of understanding sina:
– DMW o Department of Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac;

– DICT o Department of Information and Communications Technology Secretary Ivan John Uy;

– OWWA o Overseas Workers Welfare Administration Administrator Arnel Ignacio; at

– OFW party list representative Marissa “Del Mar” Magsino.
Magiging features ng app ang welfare assistance, mga benepisyo bilang OFW, at emergency button na direktang nakakonekta sa OWWA Operations Center para kaagad na ma­hanap o mapuntahan ang Filipinong nangangailangan ng tulong.

Hindi pa nasabi kung kailan pormal na ilulunsad ang bagong app.

Samantala, sang-ayon ang DICT sa panukalang batas sa House of Representatives na magtatakda ng paghihigpit sa paggamit ng social media platform na “TikTok” sa bansa at iba pang katulad na app dahil malaki ang posibilidad na nagagamit ito sa iligal na mga aktibidad at propaganda.

Para sa DICT, mas makabubuti na limitahan muna ang ope­rasyon ng “TikTok” sa bansa at iba pang “foreign adversary-controlled apps” at kung mapatunayang bahagi ito ng pag-espiya ay tsaka ito permanenteng ipagbawal.

Sa House Bill No. 10489 na panukala ni Manila 6th district congressman Bienvenido Abante, binibigyan kapangyarihan ang nakaupong Pangulo ng bansa para sa pagkontrol sa mga social media apps na nakasasama o maaaring makasama sa ating national security.

Pag-amin ng DICT, maliban sa “TikTok”, kanila ring bina­bantayan ang “Telegram” na ginagamit umano sa paglalabas ng mga sensitibong impormasyon na nakukuha buhat sa naha-hacked na mga government website.

Maging ang Facebook umano ay nagagamit sa mga iligal na aktibidad katulad ng pagbebenta ng isang bagong silang na sanggol sa halagang Php 90,000 na ang transaksyon ay ginagawa sa nasabing app.

Hangga’t maaari ay nakikiusap ang pamahalaan at ayaw sana nitong mauwi sa pagpapatupad ng mahihigpit na re­gu­lasyon o tuluyang pagbabawal.

Para kay Congressman Abante, dapat na pakabusisiin ng pamahalaan ang ginawang pag-amin ng may-ari ng “TikTok” na Byte Dance na konektado ito sa Chinese Communist Party lalo pa’t napakaagresibo ng People’s Republic of China sa harassment nito sa Philippine Coast Guard at sa mga mangingisdang Filipino sa loob ng ating exclusive economic zone.