Home OPINION KIDNAPPING HEYDAYS 2, PINANGANGAMBAHAN

KIDNAPPING HEYDAYS 2, PINANGANGAMBAHAN

PINURI ni Interior and Local Government Secretary Benhur  Abalos ang liderato ni National Capital Region Police Office director PMGen. Jose Melencio ‘Tateng’ Nartatez, Jr., dahil sa ‘well executed’ police operation na nagresulta sa mabilis na solusyon ng  kidnap for ransom case ng apat na dayuhan.

Ilang oras lang kasi matapos kidnapin si Meng Zhao, 29 at kapwa Chinese na sina Yang Zhuan, 30 at Zhi Yi Xuan, 32 at Malaysian na si Tang Heng Fei ay nadakip ng mga alertong operatiba ng NCRPO at  Southern Police District ang mga kidnapper na pawang mga pulis.

Kasama si PNP chief Gen. Rommel Marbil at Nartatez, iprinisinta ni Abalos si PMaj. Carlo Villanueva ng Pasay City Police; PMS Angelito David, Makati City Police; PMS Ricky Tabora,  NCRPO at PSSg Ralph Tumangui ng Police Regional Office 4 sa isang press conference sa Camp Crame.

Matagal -tagal ding walang naire-report na kidnap for ransom na  mga pulis ang sangkot hanggang gulantangin tayo nang pagkadarakip sa mga suspek  na nakakuhanan pa ng P2.5 milyon ransom.

Dahil may mga kasama pa ang mga akusadong pulis na  hinahanting ng awtoridad, ayon kay  Abalos,  naniniwala ito na  hindi pangkaraniwang grupo lang kundi malaking sindikato ang nabuwag ng  NCRPO operatives at mga tauhan ni SPD director PBGen  Leon Victor Rosete.

Tama rin ang sinabi ng DILG chief na hindi hihinto sa pag-iimbestiga ang pulisya hangga’t hindi natutunton at nakukuha ang lahat ng impormasyon hinggil sa grupo na hinihinalang marami pang kinidnap subali’t hindi na nairereport dahil sa takot ng mga biktima.

Bilang beteranong mamamahayag sa police beat, saksi tayo sa panahon na kung tawagin ay ‘heyday ng kidnapping’ na ang sangkot ay opisyal at mga tauhang pulis na ang paboritong biktimahin ay Chinese.

Hindi ko na papangalanan pero sa mga matagal na nag-cover sa Camp Crame, alam nila ang kuwento ng dalawang police major na inimbitahan nang noo’y President Joseph Estrada sa kanyang bahay  pero lingid sa kaalaman ng dalawang opisyal sila pala ay ihaharap sa pinatawag na press conference.

Sa naturang presscon,  iniutos ni Erap ang ‘on the spot arrest’ sa dalawang police major matapos  lumutang ang isang  pulis na confessed kidnapper at  itinuturo ang dalawang opisyal bilang lider ng kanilang kidnapping syndicate.

Nang panahong yaon, halos araw-araw ay may nangyayaring abduction pero biglang nahinto dahil sa pagkaaresto at pagsasampa ng kaso laban sa nasabing dalawang police official, kasamang ipinagharap ng kaso ang confessed kidnapping cop ng noo’y Presidential Anti-crime Commission sa ilalim ng liderato ni dating PNP chief Gen. Panfilo Lacson.

Dahil sa pagkakadakip sa apat na pulis, ilang kaibigan at kakilala natin sa Chinese community ay nagpahayag ng pangamba sa posibleng pagbabalik ng binansagan nilang kidnapping heydays sa Metro Manila noong 1990s.

Pero kampante tayo na hindi sa ngayong kasalukuyang liderato ng NCRPO dahil babala nga ni PMGen. Tateng Nartatez —may kalalagyan, katapat na kaparusahan sa mga pulis na bumabastos, yumuyurak sa mga umiiral na batas.