MANILA, Philippines- Sa pagdalo sa 2025 Good Governance Summit ng Philippine Councilors League (PCL) Masbate Chapter sa Maynila, pinaalalahanan ni Senador Christopher “Bong” Go ang mga lokal na mambabatas na ang kanilang tungkulin ay higit pa sa paggawa ng mga batas.
Hinimok niya ang mga ito na gumawa ng mas hands-on approach sa paglilingkod sa kanilang mga nasasakupan, lalo sa mga nangangailangan.
Binigyang-diin niya na habang ang pangunahing responsibilidad ng mga mambabatas ay lumikha ng mga batas, dapat din silang masangkot sa direktang pagtugon sa mga concern ng kanilang mga komunidad.
“Trabaho natin ang legislation, constituency, at representation. Ibaba natin ang serbisyo sa ating mga kababayan, lalong-lalo na po ‘yung mga mahihirap nating kababayan. Huwag po natin silang kalimutan,” sabi ni Go.
Pinasalamatan ni Senator Go ang mga konsehal mula sa Masbate sa kanilang dedikasyon sa serbisyo publiko at kinilala ang patuloy na pagsisikap ng gobyerno na mapabuti ang access sa healthcare sa lalawigan.
“Salamat sa mga konsehal natin from Masbate. Parati po ako doon sa Masbate at marami rin tayong natulungan doon. Meron pong Malasakit Center doon, may mga Super Health Center din po akong napuntahan,” aniya.
Miyembro ng Senate Committee on Local Government, patuloy na itinataguyod ni Go ang kapakanan ng mga opisyal ng barangay at LGU, at nangako siyang patuloy na magsusulong ng mga batas na susuporta sa kanilang mga tungkulin.
Sinamantala din ni Senator Go ang pagkakataong batiin ang mga residente ng Masbate na nagsasalita ng Bisaya, bilang pagkilala sa matatag na ugnayang pangkultura ng lalawigan sa Visayas.
“Sa mga kababayan nating Bisaya, Bicolano sa Masbate. Mabuhay po kayong lahat,” ani Go. RNT