Home NATIONWIDE Bong Go sa DOH: Wastong paggamit ng pondo, tiyakin

Bong Go sa DOH: Wastong paggamit ng pondo, tiyakin

MANILA, Philippines – Ikinagalak ni Senator Christopher “Bong” Go ang collaborative efforts na nagresulta sa pagtaas ng 2024 budget ng Department of Health (DOH).

Ang 2024 General Appropriations Act (GAA) ay naglaan ng humigit-kumulang P241.1 bilyon para sa DOH, mula sa unang iminungkahing P199.1 bilyon sa National Expenditure Program (NEP). Tumaas ito ng P42 bilyon.

Bilang chairperson ng Senate Committee on Health and Demography at vice chairperson ng Senate Commitee on Finance, si Go ay nagkaroon ng mahalagang papel sa pagtiyak ng sapat na badyet para sa kalusugan ngayong taon.

Ang badyet aniya ay kumakatawan sa pag-asa at pinabuting health opportunities para sa milyun-milyong Pilipino kaya lubos siyang nagagalak na nagawang i-secure ito para sa ating mga kababayan.

Kasama sa badyet ang pagtaas ng pondo para sa mga operasyon ng DOH Regional Hospitals, na itinaas sa humigit-kumulang P50.9 bilyon sa GAA, mula sa humigit-kumulang P49.8 bilyon sa NEP.

Ang programang Medical Assistance for Indigent Patients (MAIP) ay nakatanggap din ng badyet, kung saan ang GAA ay naglaan ng halos P58.1 bilyon, mas mataas kaysa sa panukalang NEP na humigit-kumulang P22.3 bilyon.

Nagkaroon din ng pagtaas ang Cancer Assistance Fund na may humigit-kumulang P1.25 bilyon mula sa P1 bilyon ng NEP at 2023 budget na P500 milyon.

Kasama rin sa badyet sa kalusugan ang humigit-kumulang P20 bilyon para sa Public Health Emergency Benefits and Allowances. Humigit-kumulang P28.6 bilyon ang inilaan para sa Health Facilities Enhancement Program para mapahusay ang mga pasilidad sa kalusugan sa buong bansa kabilang ang pagtatayo ng 132 pang Super Health Center na itinaguyod ni Go noong nakaraan.

Sa malaking pagtaas ng badyet sa kalusugan, binigyang-diin ni Go ang kahalagahan ng epektibong paggamit ng badyet at wastong pagpapatupad ng mga programang pinondohan.

“With great budget comes great responsibility. Every peso must be spent wisely, with transparency and accountability, to serve the Filipino people especially the less fortunate,” ani Go.

“Unahin natin ang kapakanan ng mga mahihirap dahil sila ang nangangailangan ng serbisyo medikal mula sa gobyerno. Tandaan natin na ang kalusugan ay katumbas ng buhay ng bawat Pilipino,” idinagdag pa niya.

Matatandaang aktibong isinulong ni Go ang pagtataas ng badyet ng DOH.

Sa isang liham na may petsang Nobyembre 20, 2023 kay Senator Sonny Angara, tagapangulo ng Senate Committee on Finance, binalangkas ni Go ang mga partikular na kahilingan sa badyet, na binibigyang-diin ang pangangailangan para sa karagdagang pondo sa iba’t ibang sektor ng kalusugan at edukasyon.

Sa budget deliberations, iginiit ni Go ang kahalagahan ng Republic Act No. 11959 o ang Regional Specialty Centers Act, isang multi-year initiative para i-decentralize ang mga espesyal na serbisyong medikal.

Layon nito na ang mga pasyente sa provincial areas ay magkaroon ng access sa advanced na pangangalagang medikal nang hindi bumibiyahe sa Metro Manila. Siya ang pangunahing isponsor at isa sa may-akda ng batas.

Idiniin din ng senador ang kahalagahan ng Malasakit Centers, isang mahalagang bahagi ng kanyang adbokasiya sa pangangalagang pangkalusugan. Si Go ang pangunahing may-akda at sponsor ng Republic Act No. 11463 o Malasakit Centers Act of 2019, na nag-institutionalize sa Malasakit Centers program.

Sinisiguro ng Malasakit Centers na ang bawat pasyente ay tinutulungan at ginagabayan kung paano makakukuha ng tulong medikal, lalo ngayong tumaas na badyet para sa programa ng MAIP.

“Dapat walang matanggihan na pasyente considering the substantial increase in the budget we are allocating for the MAIP Program,” ani Go.

Sa isang memorandum ni DOH Secretary Teodoro Herbosa, Jr. iniutos niya na ang lahat ng pasyente sa Malasakit Centers ay dapat tumanggap ng mga kinakailangang serbisyo. RNT