Home NATIONWIDE Bong Go sa graduates: Gamitin ang edukasyon para iangat ang iba

Bong Go sa graduates: Gamitin ang edukasyon para iangat ang iba

HINIMOK ni Senador Christopher “Bong” Go ang mga nagsipagtapos sa kanilang pag-aaral na gamitin ang edukasyon, ang kanilang talento at impluwensiya upang maiangat ang kanilang kapwa.

Nagkaroon ng pagkakataon si Senator Go na maging commencement speaker sa ika-44 commencement exercises ng University of Southeastern Philippines kung saan ay binigyang-diin niya ang kahalagahan ng edukasyon.

“Mga kabataan nasa inyo po ang kinabukasan ng bayang ito,” sabi ni Go.

“Nawa’y humayo kayo mula sa araw na ito nang may tapang sa inyong mga puso, kaalaman sa inyong isipan, at nag-aalab na gumawa ng pagbabago. Congratulations, Class of 2023!,” ani Go.

Ayon sa senador, ang araw ng pagtatapos ay isang sandali ng paglipat. Isang punto kung saan ka nagpaalam sa kaginhawahan at akademya tungo sa patuloy na pag-unlad sa mundo.

Hinikayat niya ang mga nagsipagtapos na maging mga ahente ng pagbabago at itaguyod ang mga layuning mahalaga sa kanila.

“Remember, success is not measured solely by personal achievements or material wealth. True success lies in the positive impact we create in the lives we touch along the way,” iginiit ni Go.

Binigyang-diin din ni Go ang kahalagahan ng pamilya at pinuri ang pagsusumikap ng mga magulang sa pagsuporta sa mga gawaing pang-edukasyon ng kanilang mga anak.

“Pasalamatan natin ang ating mga magulang. Sa lahat po ng mga magulang, sa inyo po lahat ito. Alam n’yo tayong mga magulang halos nagpapakamatay po tayong magtrabaho para sa kinabukasan ng ating mga anak,” ani Go.

Sinabi pa ni Go sa mga nagsipagtapos na huwag tumigil sa paghamon sa sarili sa pamamagitan ng paghahanap ng pagkakataong palawakin ang mga abot-tanaw upang maging angkop sa pabago-bagong globalisadong mundo.

Kasabay nito, ibinida ni Go ang kanyang mga panukala na layong mapabuti ang sektor ng edukasyon sa bansa para matiyak ang kapakanan ng mga mag-aaral.

Ang isa niyang panukala ay ang Senate Bill No. 1359, isang batas na nagbabawal sa patakarang “No Permit, No Exam”.

Layon ng panukalang batas na maibsan ang pasaning kinakaharap ng mga mag-aaral na hindi nakakakuha ng pagsusulit dahil sa mga hadlang sa pananalapi.

“Ito pong bill na ito, walang estudyante ang tatanggihan ng pagkakataong kumuha ng eksaminasyon batay lamang sa kanilang kawalan ng kakayahan na makakuha ng mga kinakailangang permit at clearance. Itinataguyod nito ang pantay na pag-access sa edukasyon at tinitiyak na walang maiiwan na estudyante,” paliwanag ni Go. RNT

Previous articleAyuda ng gobyerno sa hagip ng pag-alburuto ng Mayon, nasa P131.2M na
Next articleJoey, tinawag na ‘tesbun’ si Pauleen!