MANILA, Philippines- “Huwag tayong tumigil hanggang makauwi siya, ipagdasal natin ang kanyang kalusugan, kaligtasan at kalayaan!”
Ito ang naging panawagan ni Senator Christopher “Bong” Go sa sambayanang Filipino para kay dating Pangulong Rodrigo Duterte na kasalukuyang nakakulong sa The Hague sa Netherlands.
Sa kanyang pagbisita sa mga nasunugan sa Quiapo, Maynila para tumulong sa mga pamilyang naapektuhan, idinii ni Go ang kanyang malalim at dekadang relasyon, ang kanyang katapatan sa hirap man o sa ginhawa sa dating Pangulo.
“Alam ko mahal n’yo po si Tatay Digong… Ipagpatuloy po nating ipagdasal si Tatay Digong,” ang apela ni Go.
“‘Wag po tayong tumigil hanggang siya ay makabalik rito. Alam n’yo, higit pa sa tatay ang turing ko sa kanya. Magkasama po kami sa nakaraang 25 years. Sobra pa sa kalahati ng buhay ko. Magkasama kami ni Tatay Digong since 1998… Ninong ang aking lolo ni Tatay Digong,” aniya.
Sinabi ni Go na gustong-gusto niya puntahan si Duterte sa Netherlands subalit hindi pinapahintulutan ng mga sitwasyon.
“Gano’n po ako kalapit kay Tatay Digong kaya masakit po sa akin na nami-miss ko na po s’ya. Sa totoo lang, gusto kong pumunta rin po roon para bumisita sa kanya noon pa. Ngunit hindi pa po kami pinayagan na makabisita roon. Kaya sa ngayon po, sulat lang po ako. Nagsusulat sa kanya, sa kanyang pamilya, pinapadala po namin. Pero patuloy po ang ating pananalangin.”
Ginunita ang impluwensya sa kanya ng paglilingkod ng kanyang mentor, sinabi ni Go na palagi niyang sinusunod ang payo sa kanya ng dating Pangulo na unahin ang kapakanan ng mga tao, iwaksi ang gulo ng pulitika at manatiling mapagkumbaba sa pagseserbisyo.
“Ipinagbilin n’ya po sa akin noon, ‘unahin mo muna ang pagtatrabaho at pagseserbisyo sa ating mga kababayan.’ At ‘yan po ang patuloy kong ginagawa ngayon. Ang sabi n’ya, ‘wag pabayaan ang ating mga kababayan, lalung lalo na ang mga kapatid nating nasunugan at ang mga mahirap nating kababayan.”
“Hindi s’ya nakikialam sa aming mandato. Ang sinabi lang n’ya sa akin, gawin mo lang ‘yung tama, gawin mo lang ‘yung pagtulong sa mga kababayan. Interes ng bayan, interes ng mga kababayan nating Pilipino at hindi tayo magkakamali,” litanya ng senador.
Kaya naman ayon kay Go, kahit saang sulok ng Pilipinas — bagyo, baha, lindol, pagputok ng bulkan — ay pinupuntahan niya.
“Sa Jolo mismo, nasunugan doon sa tabi ng dagat, pumunta po tayo mismo roon. Tawi-Tawi, Basilan, mga pagbubukas ng Malasakit Centers doon.”
Pinasalamatan ni Go ang mga taga-Mindanao, partikular ang Maranao people sa kanilang pagsuporta kay Duterte.
“Mahal na mahal po namin kayo. At saka iba talaga ang Muslim na magmahal. Salamat sa inyo.”
“Walang katapusang pasasalamat po ang pinapaabot ko sa inyo. Of course, si Tatay Digong, salamat rin po sa inyong suporta sa kanya noong 2016 hanggang natapos po ang kanyang termino. Salamat po sa inyo,” sabi ni Go. RNT