MANILA, Philippines- Binigyang-diin ni Senator Christopher “Bong” Go ang kritikal na papel ng mga munisipal na pamahalaan sa pagkamit ng sustainable development sa kanyang pagdalo sa Luzon Island Cluster Conference ng League of Municipalities of the Philippines (LMP).
Ginanap sa Royce Premium Hotel sa Clark, Pampanga, nagtipon-tipon ang mga pinuno ng munisipyo mula sa buong Luzon upang galugarin ang mga estratehiya para sa Sustainable Development Goals (SDGs) ng United Nations sa lokal na antas.
Ipinahayag ni Go ang kanyang lubos na paggalang sa mga pinuno ng munisipyo na kinikilala ang kanilang sentral na papel sa pagpapaunlad ng komunidad.
“Alam n’yo, mataas ang respeto ko sa mga mayors. You are superstars in your own rights. Kayo po ang bida sa inyong mga lugar. Kaya super taas po ang aking respeto sa inyo,” ani Go.
Ayon kay Go, ang pagkamit ng SDGs ay hindi dapat tingnan bilang tanging responsibilidad ng mga pangunahing sentro ng lungsod o ng pambansang pamahalaan. Sa halip, ang tunay na pag-unlad aniya ay kadalasang itinutulak sa lokal na antas—direkta sa loob ng mga bayan at barangay.
“Ang pag-abot ng mga layunin ng SDGs ay hindi lamang responsibilidad ng malalaking lungsod ng pambansang gobyerno,” idiniin ng senador.
“Sa katunayan, ang pinakamahalaga at pinakamabisang paraan upang makamit natin ang mga layuning ito ay sa pamamagitan ng pagbibigay-diin sa lokal na antas—sa ating mga bayan at mga barangay,” diin ni Go.
“By localizing the SDGs, we are ensuring that each goal is not only aligned with our national agenda but is also relevant, attainable, and beneficial to every Filipino, regardless of their location,” dagdag ng mambabatas.
Tinalakay ni Go ang kanyang legislative works, partikular ang kanyang tungkulin bilang tagapangulo ng Senate committee on health and demography. Siya ang pangunahing may-akda at sponsor ng Republic Act No. 11463 o ang Malasakit Centers Act of 2019, na nag-institutionalize sa Malasakit Centers program.
Ang Malasakit Centers ay nagpapagaan sa pasanin sa medikal na gastusin ng mga Pilipino, kung saan ay iniulat ng Department of Health na halos 10 milyon na ang nabenepisyuhan nito.
“Ito po ay isang konkretong halimbawa ng localization ng serbisyo, kung saan ang mga benepisyo ng gobyerno ay direkta nang nakararating sa mga nangangailangan,” ani Go ukol sa impact ng kanyang health initiatives.
“As we look towards the future, let us continue to build smart communities by localizing our efforts to achieve the SDGs. Let us make sure that the principles of good governance are ingrained in every aspect of our service, ensuring that every Filipino can lead a life of dignity, security, and opportunity,” giit ni Go.
Nagpasalamat si Go sa kanyang mga kapwa public servants, kinabibilangan nina National President at Chapter President ng Abra Mayor JB Bernos ng La Paz, Abra; President Emeritus Luis Chavit Singson; Executive Vice-President For Operations at Chapter President ng Ilocos Sur Mayor Germy Singson-Goulart ng Caoayan; Vice-President For Internal Affairs at Chapter President ng Batangas Mayor Valentino Patron ng San Jose, Batangas; Vice President For Luzon Cluster at Chapter President ng Ilocos Norte Mayor Joefrey Saguid ng Dingras.








