Home NATIONWIDE BIR nagbabala sa mga influencer na nag-eendorso ng illegal vape products

BIR nagbabala sa mga influencer na nag-eendorso ng illegal vape products

MANILA, Philippines- Nagbabala ang pamunuan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa mga celebrity at influencer laban sa pagpo-promote ng mga produktong vape na maaaring hindi sumusunod sa tamang mga regulasyon sa pagbbayad ng buwis.

Sa isang pahayag, hinimok ni BIR Commissioner Romeo D. Lumagui Jr. ang nasabing public figures na beripikahin ang tax compliance ng mga vape products na kanilang ineendorso.

Ang nasabing babala ay kasunod ng isinagawang pagsalakay sa Philippine Vape Festival 2024 kamakailan, kung saan kinumpiska ng mga awtoridad ang mga ilegal na vape.

Ayon kay Lumagui, ang kaganapan ay labis na na-promote ng mga celebrity at influencer, na ang mga pangalan at mukha ay itinampok sa mga social media post at mga materyales sa marketing.

Bukod sa mga endorser, hinimok ng BIR chief ang mga organizer ng festival at stall owners na nagbebenta ng mga ipinagbabawal na produkto ng vape na panagutin ang kanilang operasyon.

Sinabi ni Lumagui na ang kawalan ng internal revenue stamp sa mga produktong vape ay tahasang paglabag sa tax laws.

Nabanggit din ni Lumagui na ang mga organizer at vendor sa festival ay dapat mahigpit na ipinatupad ang pangunahing kinakailangan.

“Yung organizers ng Philippine Vape Festival 2024, at yung mga owners ng vape products na may stall sa festival, bakit niyo pinayagan na walang internal revenue stamp yung mga vape sa festival?” ani Lumagui.

“Nag-imbita kayo ng daan-daang Pilipino, tapos ilegal na vape i-didisplay niyo? Hindi kayo compliant, wag niyo lokohin yung publiko” dagdag pa ni Lumagui.

Noong nakaraang Linggo, ni-raid ng BIR Illicit Trade Task Force ang Philippine Vape Festival 2024, na isinagawa sa presensya ng daan-daang festival-goers at iba pang miyembro ng vape industry.

Nakumpiska ng BIR ang 5,385 na ipinagbabawal na vape, na lahat ay walang internal revenue stamps. JAY Reyes