MANILA, Philippines- Nakatakdang magsagawa ang Pilipinas at Estados Unidos ng kanilang taunang Mutual Defense Board-Security Engagement Board (MDB-SEB) meeting sa susunod na linggo.
Sa abiso nitong Huwebes, sinabi ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na kasado ang pulong sa Philippine Military Academy sa Baguio City sa Agosto 29.
Nagsisilbing venue ang MDB-SEB para talakayin ng AFP at ng US Indo-Pacific Command (INDOPACOM) ang isang “mutually agreed policy direction” sa defense at security concerns.
Inaasahang dadalo sa pulong sina AFP chief Gen. Romeo Brawner Jr. at INDOPACOM head Admiral Samuel Paparo.
Kasama rin sa agenda ng MDB-SEB meeting ang saklaw ng military activities sa pagitan ng Manila at Washington D.C. sa susunod na taon.
Kabilang dito ang taunang “Balikatan” at “Salaknib” exercises na ilan sa kilalang military drills sa pagitan ng mga sundalong Pilipino at Amerikano.
Halos 16,000 American at Filipino troops ang nakibahagi sa “Balikatan” ngayong taon na ginanap mula Abril 22 hanggang Mayo 10 sa iba’t ibang lokasyon sa bansa. RNT/SA