Home NATIONWIDE Bong Go sa PhilHealth: Mag-isyu ng ID sa mga miyembro

Bong Go sa PhilHealth: Mag-isyu ng ID sa mga miyembro

Nanawagan si Senator Christopher “Bong” Go sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na mag-isyu ng matibay at accessible identification card sa lahat ng miyembro nito.

Idiniin ng senador na ang pisikal na ID ay napakahalaga upang malaman ng mga pasyente ang mga benepisyong dapat nilang makuha, alinsunod sa batas.

Sa ambush interview matapos bisitahin ang mga nasunugan sa Maynila, kinilala ni Go ang progreso ng PhilHealth sa pormal na pagrerehistro ng 96% ng mga Pilipino sa ilalim ng National Health Insurance Program (NHIP)—isang mahalagang hakbang sa universal healthcare coverage.

Ngunit binigyang-diin ng senador na kinakailangang “maisara na ang agwat” at tiyakin na ang natitirang 4.52 milyong hindi pa rehistradong indibidwal ay ganap na maisama sa sistema upang mapakinabangan ang mga benepisyo.

“Maraming Pilipino po ang hindi alam na miyembro sila ng PhilHealth. Kahit magtanong kayo dito. There are 115 million Filipinos, pero ang nagpaparehistro pa lang po ng Konsulta program ay 27.8 million. That is less than one-fourth pa po ang nagpaparehistro sa Konsulta. Aside from that, meron pa pong (almost) 5 million Filipinos that are unregistered. Importante dito yung ID,” ibinahagi ni Go.

Upang matugunan ang isyung ito, inihain ni Go ang Senate Bill No. 2983, na nagmumungkahi ng mandatoryong pagpapalabas ng Philippine Health Card sa lahat ng Pilipinong nakatala sa ilalim ng NHIP.

Ipamamahagi ang ID sa pakikipagtulungan sa local government units, pero hindi maglalaman ng anumang partisan political symbols o affiliations.

“Kahit yung mura lang po. Hindi kailangan na mahal yung ID. Na meron pong maipapakita ang ating mga kababayan tuwing nagkakasakit. Ipapakita nila sa hospital para hindi sila matakot magpa-hospital,” sabi ni Go.

“Meron po (akong kilala) na buntis sa Cavite, meron (din) pong buntis sa Cebu na hindi nagpa-admit (at) namatay po yung mag-ina kasi takot sila magpa-hospital. Marahil hindi po nila alam na miyembro sila ng PhilHealth na pwede sana silang matulungan sa pagpapaospital,” pahayag ng senador.

Idinagdag ni Go na ang panukala ay umaayon sa Artikulo XIII, Seksyon 15 ng Konstitusyon, na nag-uutos sa Estado na mag-adopt ng integrated at comprehensive approach sa health development.

Higit sa panukalang PhilHealth ID, muling pinagtibay ni Senator Go ang kanyang pangako na isusulong ang iba pang batas na may kinalaman sa kalusugan.

Kabilang sa kanyang prayoridad ang panukalang pag-amyenda sa Universal Health Care (UHC) Act, na naglalayong babaan ang premium contributions at palawakin ang coverage para mapakinabangan ng mas maraming Pilipino. RNT