MANILA, Philippines – Nanawagan si Senator Christopher “Bong” Go sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na hindi dapat mawala ang presensya ng mga tauhan nito sa lahat ng Malasakit Centers sa buong bansa.
Ayon kay Go, mahalaga ang papel ng Malasakit Centers sa pagtiyak ng accessible healthcare para sa mga Pilipino.
Binigyang-diin ni Go, ang punong may-akda at sponsor ng Malasakit Centers Act of 2019 (Republic Act No. 11463), na ang pangako ng PhilHealth ay mahalaga sa epektibong paghahatid ng mga serbisyong ipinag-uutos sa ilalim ng Universal Health Care Act (Republic Act No. 11223).
“Malaking bagay kung may nakahandang tumulong na PhilHealth personnel sa Malasakit Centers. Hindi natin pwedeng pabayaan ang ating mga kababayan sa oras ng pangangailangan,” sabi ni Go na binibigyang-diin ang kahalagahan ng pagkakaroon ng mga kinatawan sa lugar upang tumulong sa pagkuha ng benepisyo at matugunan ang pangangailangan ng mga pasyente.
Noong Oktubre 14, natanggap ng tanggapan ni Go ang pormal na liham ng PhilHealth na nangangakong susunod sa pagpapatupad ng Universal Health Care Act.
Ang liham, na kumikilala sa mga obligasyon ng PhilHealth sa ilalim ng batas, ay nagkukumpirma rin na ang ahensya ay magde-deploy ng mga tauhang tutulong sa Malasakit Centers sa buong bansa upang ang mga pasyente ay mabigyan ng tulong-medikal at iba pang benepisyo.
Nagpahayag ng pasasalamat si Go sa pagkilala ng ahensya sa papel nito sa Malasakit Centers ngunit binigyang-diin na ang consistent monitoring at pagtugon sa pangangailangan ng mga pasyente ay susi sa pagtataguyod ng layunin ng batas.
“Malinaw sa batas na kailangan natin ng accessible, abot-kayang healthcare. At ang Malasakit Center ang unang hakbang para masiguro ito,” ayon kay Go.
Ang Malasakit Centers na mayroon nang 166 sangay sa iba’t ibang lokasyon sa buong bansa, ay nagsisilbing one-stop-shop para sa mga Pilipinong nangangailangan ng tulong-pinansyal upang mabayaran ang mga gastusin sa pagpapagamot. Mahigit 15 milyong Pilipino na ang nakatanggap ng tulong sa pamamagitan ng nasabing programa, ayon sa Department of Health (DOH).
Ang pangako ng PhilHealth sa patuloy na suporta sa Malasakit Centers, sinabi ni Go, ay mahalaga sa tuluy-tuloy na pangangalagang pangkalusugan ng mamamayang nangangailangan, alinsunod sa Malasakit Centers Law.
Sinabi ni Go na kung palaging may mga tauhan ang PhilHealth sa Malasakit Centers, maiiwasan ang bureaucratic delays na pumipigil sa mga pasyente na makatanggap ng agarang tulong.
“Patuloy tayong magtutulungan. Ang malasakit ay hindi dapat maging pangako lang; dapat itong maging bahagi ng sistema. Kapag ang tao’y nangangailangan, naroon tayo. Simple lang ang gusto ko—isang bayan na hindi magpapabaya sa mga may sakit,” idiniin ni Go. RNT