MANILA, Philippines – Binigyang-diin ni Senador Christopher “Bong” Go na bago ikonsidera ang alok na rekonsilasyon sa pagitan ng mga kampo ng Duterte at Marcos ay kailangang maibalika muna sa Pilipinas si dating Pangulong Rodrigo Duterte bilang pagpapakita ng sinseridad ng kasalukuyang administrasyon.
Sa panayam ng media matapos bisitahin ang mga nasunugan sa Tondo, Myanila, iginiit ni Go na hindi magpapatuloy ang anumang makabuluhang diyalogo kung wala ang nakatatandang Duterte.
“Importante rito ‘yung sinseridad po ng bawat isa. Kung gusto po n’yo ng reconciliation, pabalikin n’yo muna si Tatay Digong dahil s’ya naman po ang dapat kausapin. S’ya ‘yung elder Duterte, s’ya po ‘yung nagserbisyo sa ating mga kababayan noong nakaraang anim na taon,” ani Go.
Ipinunto ng senador na ang anumang alok na pagkakasundo ay dapat samahan ng katapatan at paggalang sa mga sangkot. Ito ang personal na pananaw ni Go sa kung ano ang dapat mauna sa anumang pagsisikap na rekonsilasyon.
“Kung meron man po, bilang my personal position or my personal thought on this, importante rito ‘yung sinseridad. Dapat sincere ka sa pag-uusap. At unang hakbang d’yan ay pauwiin si Tatay Digong,” paliwanag niya.
“Kung kaya n’yo pong ipadala (sa The Hague) sa loob ng 24 oras si Tatay Digong, alam kong kaya n’yo rin pong ipabalik siya rito sa lalong mabilis na panahon. S’ya po ang dapat kausapin. Paano n’yo kakausapin kung wala s’ya rito?” dagdag ni Go.
Nagpahayag din si Go ng matinding pag-aalala para sa kalagayan at kapakanan ni Duterte kaya hiniling niya sa publiko palaging ipanalangin ang dating Pangulo.
“Ginawa n’ya po ang lahat ng sakripisyo ngunit ipinadala n’yo po s’ya roon sa Hague. Kaya po patuloy po akong nananawagan, nakikiusap na ipagdasal po natin ang kanyang kalusugan, ang kanyang kaligtasan, at ang kanyang kalayaan,” anang mambabatas.
Sinabi niya na marami ang nangungulila at nalulungkot na mga kababayang Pilipino sa kalagayan ni Duterte at ang pagpapauwi sa kanya ang pinakaunang hakbang tungo sa pagkakasundo.
“He is 80 years old na po. D’yan po mag-uumpisa lahat ang pagpapatawad. Alam n’yo, kilala ko si Tatay Digong. Hindi s’ya ‘yung taong vindictive eh,” ani Go.
“Tapos na ang eleksyon, panahon na para magtrabaho tayo at magserbisyo po tayo. Inihalal tayo ng mga Pilipino. This is democracy. Pinili tayo ng mga Pilipino. Pagserbisyohan natin ang ating mga kababayan,” patuloy ni Go.
Nang tanungin kung bukas ang pamilya Duterte sa alok na pagkakasundo, sinabi ni Go na “Hindi ko po masagot ‘yan. Sabi ko nga I cannot speak on behalf sa pamilya Duterte. Ang akin lang more on personal thought or position po itong akin bilang kasama po at malapit kay Pangulong Duterte sa loob ng dalawang dekada.” RNT