Home NATIONWIDE Pasaporte ni Roque ipakakansela – Remulla

Pasaporte ni Roque ipakakansela – Remulla

MANILA, Philippines – Hihilingin ng Department of Justice na makansela ang pasaporte ni dating presidential spokesperson Harry Roque kasunod ng arrest warrant ng korte laban sa kanya.

Sinabi ni Secretary Jesus Crispin Remulla na kagyat siyang liliham sa Department of Foreign Affairs para makansela ang passport ni Roque.

Aniya, kailangan resolbahin ng Netherlands ang asylum application ni Roque bago maipatupad ang arrest warrant.

“Kapag wala siyang asylum at na-cancel ang passport niya, he will have to be deported,” giit ni Remulla.

Naniniwala si Remulla na hindi papayag ang The Netherlands na hindi kaharapin ni Roque ang mga krimen na kinakaharap nito sa Pilipinas.

“They see naman that the justice system is working in this sense that we have given due process to him to answer,” dagdag ni Remulla.

Magugunita na naglabas ang Angeles City regional trial court ng arrest warrant laban kina Roque, Cassandra Ong, at 48 iba pa sa kasong qualified human trafficking dahil sa kaugnayan umano ng mga ito sa Lucky South 99 na ilegal na POGO sa Porac, Pampanga. TERESA TAVARES