Ipinagpatuloy ng Senate Justice and Human Rights Subcommittee na pinamumunuan ni Deputy Minority Leader Sen. Risa Hontiveros ang kanilang imbestigasyon sa iba't ibang isyu kaugnay ng pagtakas ng tinanggal na alkalde ng Bamban, Tarlac na si Alice Guo, mga anomalya na kinasasangkutan ang Bureau of Immigration (BI) at Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs), mga alalahanin tungkol sa espionage, at ang patuloy na problema ng human trafficking patungo sa mga scam compounds. Cesar Morales
MANILA, Philippines – Tiniyak ni Senador Risa Hontiveros na muling isasalang ang divorce bill kasama ang ilang pang panukalang batas tulad ng teenage pregnancy sa pagbubukas ng 20th Congress sa July 30, 2025.
Kasabay nito, tiniyak din ni Hontiveros na tuloy ang imbestigasyon ng Senado sa anomalya sa distribusyon at singil ng tubig ng Prime Water Infrastructure Corporation na pag-aari ng pamilya nina Senador Mark at Camille Villar.
Sa ginanap na Kapihan sa Senado, sinabi ni Hontiveros na matagal nang napagdebatehan ang Dissolution of Marriage Bill sa plenaryo nang dalawang beses.
“We will refile in the 20th. We will simply refile. That’s my commitment,” aniya.
Sinabi ni Hontiveros na kapag walang batas na pumapayag sa paglusaw ng kasal, isa itong “moral failing.”
Aniya mabibigo ang Estado na protektahan ang kanyang mamamayan – partikular ang kabataan at kababaihan – na madalas na nagiging biktima ng dysfunctional marriages.
Iginiit ng senadora na mas mainam ang sistema na “nagpapagaling at nagbibigay ng ikalawang pagkakataon” kaysa sa sistema na nakatala sa paghihirap ng mamayan sa abusadong relasyon.
Umaasa si Hontiveros na maisasabatas ng susunod na Kongreso ang Sexual Orientation, Gender Identity and Expression, and Sex Characteristics (SOGIESC) Bill, kabilang ang Teenage Pregnancy Prevention Bill.
“Dahil nananatiling national emergency ‘yan [teenage pregnancy], social emergency yan. Finake news lang kasi eh, yung comprehensive sexuality education,” aniya.
Kailangan umanong maipasa ang panujkala para mabenepisyuhan ang kabataan at teenage parents.
Prayoridad ni Hontiveros ang SOGIESC bill sa 19th Congress.
Kinikilala ng panukala ang sexual orientation at gender identity ng isang indibiduwal na matagal nang nakabinbin sa Kongreso ng ilang dekada at nahaharap sa oposisyon ng ilang conservative groups.
Kasabay nito, sinabi ni Hontiveros na umaasa siyang masisimulan ang imbestigasyon sa madayang serbisyo ng Prime Water Infrastructure Corporation na pag-aari ng pamilya ni Senador Cynthia Villar, bago magtapos ang 19th Congress.
“Kahit isang hearing lang muna ngayong patapos na 19th Congress,” aniya. Ernie Reyes