MANILA, Philippines – Ipinadala ni Senator Christopher Lawrence “Bong” Go ang kanyang Malasakit Team sa Pasig City para magbigay ng karagdagang suporta sa Kababaihan ng Kalawaan (Kabaka) Gift Giving event.
Nangunguna sa pagtataguyod ng karapatan ng kababaihan, binigyang-diin ni Go na ang kanilang kontribusyon sa bansa ay makabuluhan, mula sa pag-aalaga sa kanilang pamilya hanggang sa pagsusulong ng ekonomiya, pag-unlad ng mga komunidad, at sa pagiging pinuno sa kani-kanilang larangan.
Ipinahayag ni Go ang kanyang suporta sa mga programa at polisiya na magbibigay ng mas magandang buhay para sa kababaihan.
Kabilang dito ang Republic Act No. 11861, na nag-amyendahan sa RA 8972 o Solo Parents’ Welfare Act of 2000 na magbibigay ng karagdagang benepisyo sa solo parents, partikular sa kababaihan. Isa si Go sa mga author at co-sponsor ng nasabing panukala.
Ilan sa mga benepisyong matatamasa ngayon ng solo parents ay ang karagdagang tulong pinansyal sa mga kumikita ng minimum o mas mababa; 10% diskwento sa mga pangangailangan tulad ng pagkain at micronutrient supplements, diapers, at duly prescribed medicines sa kumikita ng mas mababa sa P250,000 kada taon; at pagbibigay-prayoridad sa mga programa sa pabahay at kabuhayan mula sa gobyerno, bukod sa iba pa.
Sa nasabing event na ginanap sa Barangay Kalawaan basketball court, ang Malasakit Team ni Go, kasama si Andrew “Andy” Cheng, ay nagbigay ng grocery packs at kamiseta sa higit 1,000 kababaihang dumalo.
Bilang chairperson ng Senate committee on health, patuloy na hinihimok ni Go ang publiko na gamitin ang mga serbisyo ng Malasakit Centers sa buong bansa, kabilang ang nasa Rizal Medical Center sa lungsod.
Ang Malasakit Centers ay one-stop shop na idinisenyo upang tulungan ang mahihirap na pasyente sa kanilang mga gastusin sa ospital sa pinakamaliit na posibleng halaga. Si Go ang pangunahing may-akda at sponsor ng Republic Act No. 11463, na kilala bilang Malasakit Centers Act of 2019, na nagtatag ng programa ng Malasakit Centers.
Sa kasalukuyan ay mayroong 166 Malasakit Centers na gumagana sa buong bansa at handang tumulong sa mga gastusin sa pagpapagamot ng mga pasyente. RNT