Home NATIONWIDE Bong Go: Tulungang palaguin ang mga kooperatiba

Bong Go: Tulungang palaguin ang mga kooperatiba

MANILA, Philippines – Upang lalo pang mapalakas at mapaunlad ang mga kooperatiba, nakipagtulungan si Senador Christopher “Bong” Go sa Cooperative Development Authority (CDA) sa paglulunsad ng “Malasakit sa Kooperatiba Program” sa Rehiyon II o Cagayan Valley.

Bilang pangunahing tagapagsulong at tagasuporta ng nasabing programa, katuwang si CDA chairperson, Usec. Joseph Encabo, binigyang-diin ni Go ang mahalagang papel ng mga kooperatiba upang ang mga komunidad ay mapaunlad at mapatatag.

Idinaos sa Tuguegarao City, Cagayan noong Lunes, Hunyo 3, ang seremonya ay dinaluhan ng 21 kooperatiba mula sa buong rehiyon.

Sila ay tumanggap ng suportang pinansyal na nagkakahalagang P50,000 bawat isa. Nakiisa sa aktibidad sina Tuguegarao City Mayor Maila Rosario Ting-Que, Enrile Mayor Miguel Decena, at iba pang lokal na opisyal.

Bahagi ang programa ng pagpopondong itinaguyod ni Go, bilang vice chair ng Senate Finance Committee at miyembro ng Senate Cooperatives Committee sa 2024 CDA Human Capital Development Program for Cooperatives, kinabibilangan ng tulong pinansyal sa micro at small cooperatives sa ilalim ng “Malasakit Sa Kooperatiba Program”.

“Isang malaking karangalan na makasama kayo ngayon, hindi lang bilang senador kundi bilang kaibigan na nagpapahalaga sa ating mga kooperatiba at matatag na komunidad sa Cagayan Region,” ayon kay Go.

Si Go ang pangunahing naging instrumento sa pagtataguyod ng mga patakaran at programa na nagpapahusay sa mga kooperatiba sa buong bansa.

Ginampanan niya ang mahalagang papel sa pagsasabatas ng Republic Act No. 11502, na nagtatag sa Oktubre bilang National Cooperative Month, at RA 11535 na nag-uutos sa paghirang ng isang Cooperatives Development Officer sa antas ng munisipyo, lungsod, at probinsiya upang palakasin ang paglago ng kooperatiba.

Sa pagpapahalaga sa kritikal na papel ng mga kooperatiba sa kanilang mga komunidad, nagpahayag si Go ng pag-asa na ang ibinigay na suporta ay magpapahusay sa kanilang sarili.

Nagpasalamat ang senador sa mga kooperatiba sa napakahalagang suporta ng mga ito sa mga komunidad at inaasahan niya na ang suportang pinansyal ay higit na magpapalakas sa kanila.

“Ang ating mga kooperatiba ay isang patunay kung ano ang ating makakamit kapag tayo ay nagtutulungan. Ang pagpopondo na ito ay isang pamumuhunan sa ating kolektibong kinabukasan,” anang senador.

Muling pinagtibay ni Go ang kanyang pangako sa pagsuporta sa mga kooperatiba na binibigyang-diin ang kanilang potensyal na lumikha ng mga oportunidad na magpapabuti sa kalidad ng buhay ng mga nasa komunidad.
Kasabay nito, pinangunahan din ni Go ang pamamahagi ng ayuda sa displaced workers at youth leaders sa Tuguegarao City. Pagkatapos nito ay naimbitahan siya bilang tagapagsalita sa pagtitipon ng pre-graduation ng Unibersidad ng Cagayan Valley. RNT