Home NATIONWIDE Mahigit 1.5K katao inilikas sa pagsabog ng Kanlaon

Mahigit 1.5K katao inilikas sa pagsabog ng Kanlaon

MANILA, Philippines – Nasa kabuuang 1,562 indibidwal o 210 pamilya sa probinsya ng Negros Occidental ang inilikas sa mga evacuation center kasunod ng pagputok ng Bulkang Kanlaon.

Sa situation report ng provincial disaster risk reduction and management council (PDRRMC) nitong Martes, Hunyo 4, apektado ng pagsabog ng Bulkang Kanlaon ang 84 barangay sa 10 lungsod at munisipalidad.

Inaalam pa kung may mga nasawi o nawawala dahil sa pagsabog.

Ang buong probinsya ng Negros Occidental ay inilagay ng PDRRMC sa “Blue Alert” ilang oras matapos ang pagsabog ng bulkan.

Sa La Castellana, sinabi ni Negros Occidental, municipal disaster risk reduction and management office (MDRRMO) head John de Asis na mayroong 842 katao ang inilikas.

“Negative na ‘yung ashfall kasi wala namang other phreatic na same kagabi na event,” ani de Asis.

“Meron pang (usok) sa kanyang edifice na tinatawag natin at sa crater, makikita na may usok pang lumalabas,” dagdag pa niya.

Sa Canlaon City naman ay mayroong kabuuang 397 indibidwal ang apektado, kung saan 155 ang kailangang ilikas sa mga evacuation center.

Ikinokonsidera ng lokal na pamahalaan ang pagdedeklara ng state of calamity sa lungsod.

Naunang ipinag-utos ng alkalde ang mandatory evacuatino sa mga residente na nakatira sa loob ng tatlong metro mula sa river downstream ng Kanlaon.

“The rivers downstream from the volcano are at risk of flash floods, mudflows, and other hazards due to volcanic ash deposition and potential lahars,” sinabi ni Mayor Jose Chubasco “Batchuk” Cardenas sa Executive Order No. 36. RNT/JGC