Home NATIONWIDE Bong Go: ‘Wag na magsisihan sa kakulangan ng suporta sa Paris golf...

Bong Go: ‘Wag na magsisihan sa kakulangan ng suporta sa Paris golf team

Si Senator Bong Go, kasama ang mga atleta, sa pangunguna ng ngayo'y double gold medalist na si Carlos Yulo, bago sila sumabak sa Paris Olympics.

Nais ni Senator Christopher “Bong” Go, chairperson ng Senate committee on sports, na magsagawa ng komprehensibong post-evaluation sa mga pagsisikap ng gobyerno at iba’t ibang stakeholder sa paghahanda at pagsuporta sa delegasyon ng bansa sa 2024 Paris Olympics.

Habang ipinagdiriwang ng bansa ang makasaysayang dalawang gintong medalya at dalawang tansong medalya sa ngayon, may ilang malinaw na area na kailangan ng improvement sa usapin ng pagsuporta sa Filipino Olympians, tulad ng kaso ng golf team na nagreklamo sa kawalan ng opisyal na uniporme.

“Kung kinakailangan, bubusisiin natin ito sa komite pagkatapos ng Paris Olympics at magsasagawa tayo ng post-evaluation kung paano maiiwasan ang ganitong kakulangan at paano pa mas mapapabuti ang suporta sa ating mga atleta,” inanunsyo ni Go.

Nilinaw ni Go na layon ng inisyatiba na lalo pang mapabuti ang paghahanda at mapalakas ang suporta para sa mga atleta ng Pilipinas na lumalaban hindi lamang sa Olympics, kundi maging sa iba pang internasyonal na kompetisyon sa hinaharap.

Binigyang-diin niya na dapat magkaisa upang matuto mula sa mga nakaraang karanasan, punan ang mga kakulangan sa kasalukuyang mga programa sa palakasan, at makahanap ng mga oportunidad para sa iba’t ibang stakeholder na makatutulong sa pagpapalakas ng Philippine sports.

“Hindi po natin nais magsisihan. Ang gusto lang natin ay maibigay ang sapat na suporta sa ating mga magigiting na atleta na bitbit ang karangalan ng ating bansa. Once in a lifetime lang po ang mga oportunidad na ito na makasali sa Olympics o iba pang international competitions. Ibigay na po natin ang buong suporta na nararapat!,” ani Go.

Lumabas ang mga kritisismo kasunod ng viral video na ipinost ng ina ni golfer Dottie Ardina. Ipinakita sa video sina Ardina at Bianca Pagdanganan, na sinusubukang idikit ang Watawat ng Pilipinas sa kanilang generic golf outfit gamit ang double sided tape dahil wala silang angkop na uniporme.

“Bilang chairperson ng Senate committee on sports, nabigla ako at labis na nalungkot nang malaman ko ang sitwasyon hinggil sa kawalan ng mga uniporme ng ating golfers sa Paris 2024 Olympics,” sabi ni Go.

Anang senador, ramdam niya ang sama ng loob na inilabas ng dalawang atleta, lalo’t isinulong niya ang dagdag na P30 milyong pondo para lamang sa paghahanda ng Philippine delegates sa 2024 Olympics.

Patuloy din niyang itinutulak ang pagtataas ng budget para sa sports programs bilang vice chair ng Senate finance committee.
Bukod pa rito ang tig-P500,000 financial support na kanyang ibinibigay, sa tulong ng Philippine Sports Commission (PSC), sa bawat Filipino Olympian at para-athlete na sasabak sa Paris Olympics at Paralympics ngayong taon.

Binigyang-diin ng senador na nakapahalaga ng uniporme hindi lamang bilang sportswear, kundi bilang pambansang simbolo dahil nakakabit dito ang bandila ng Pilipinas na inirerepresenta ng mga atleta.

“Kaya ang tanong ko ngayon sa Philippine Sports Commission at sa concerned national sports association: Ano ang nangyari?” dagdag ni Go.

Tiniyak ni Go na magsasagawa ang Senate committee on sports ng masusing pagsusuri at post-evaluation pagkatapos ng Olympic games upang maiwasan ang mga ganitong pangyayari sa hinaharap at mapahusay pa ang suporta sa mga atleta. RNT