MANILA, Philippines – KABILANG sa kamakailan lamang na umento sa sahod para sa mga manggagawa ng gobyerno ay ang “highest elected officials” ng bansa gaya ng Pangulo at Pangalawang Pangulo.
Iyon lamang, ito’y mayroong pag-iingat.
Kinumpirma ni Budget Secretary Amenah F. Pangadaman na ang salary adjustments na nakabalangkas sa Executive Order 64, ipinalabas ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., noong Agosto 2 ay makaaapekto sa Salary Grades 33 at 32, na magdedetermina sa monthly compensations para sa Presidente at Bise-Presidente.
Gayunman, sinabi ng Kalihim na ang mga nasabing adjustments ay hindi naman ia-apply kina Pangulong Marcos at Vice-President Sara Duterte.
Binigyang diin ni Pangadaman na hindi saklaw ng umento sa sahod ang mga incumbent legislators gaya ng mga Senador at Kongresista.
Ang dahilan, lalabag ito sa Saligang Batas ng Pilipinas.
Ayon kay Pangandaman, ang paglabag ay mangyayari base sa Article VII, Section 6 ng Konstitusyon, na tahasang nagsasaad na “The salaries of the President and Vice-President shall be determined by law and shall not be decreased during their tenure. No increase in said compensation shall take effect until after the expiration of the term of the incumbent during which such increase was approved. They shall not receive during their tenure any other emolument from the Government or any other source.”
Dagdag pa rito, itinuro ni Pangandaman ang Article VI, Section 10 ng Konstitusyon na may mandato na “The salaries of Senators and Members of the House of Representatives shall be determined by law. No increase in said compensation shall take effect until after the expiration of the full term of all the Members of the Senate and the House of Representatives approving such increase.”
Gayunpaman, tiniyak naman ni Pangandaman na ang mga magiging kapalit ng Pangulo at Pangalawang Pangulo ay makatatanggap ng mas mataas na ‘buwanang sahod.’
Halimbawa aniya, ang sahod ng susunod na Pangulo ay tataas sa P428,994 mula sa P395,858, habang ang tataas naman ang sahod ng Bise-Presidente ng P339,921 mula sa P313,512. RNT