MANILA, Philippines — Hinimok ni Bacolod Lone District Representative Albee Benitez si Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan na pansamantalang mag-leave of absence habang isinasagawa ang imbestigasyon sa mga umano’y palpak na flood control projects ng kagawaran.
“Out of delicadeza, and to help preserve the integrity of any inquiry, I respectfully urge the DPWH Secretary to take a leave of absence while the investigation is ongoing,” ani Benitez sa isang pahayag.
Tugon naman ni Bonoan, handa siyang mag-leave kung kinakailangan.
“Okay lang. If it is necessary, bakit hindi po?” ani ng kalihim.
Samantala, sinang-ayunan din ni Bonoan ang mungkahing ibigay sa mga lokal na pamahalaan ang pagpapatupad ng mga flood control projects.
“If they have the resources, bakit hindi? I think talaga naman dapat tulong-tulong lang po ng local government,” aniya.
Ayon naman kay House Committee on Public Accounts Chairman Terry Ridon, inihahanda na ng komite ang imbestigasyon sa mga flood control at drainage projects na umano’y hindi maayos ang kalidad.
“As soon as we organize po ‘yung House Public Accounts Committee, magkakaroon na po ito ng pagdinig sa mga lahat ng infrastructure projects including flood control and drainage projects sa ating bansa,” ani Ridon.
Dagdag pa ni Ridon, ipatatawag agad ang mga opisyal ng DPWH para sa naturang pagdinig.
Sa kanyang ika-apat na State of the Nation Address, nagbabala si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. laban sa mga opisyal ng pamahalaan na nagnanakaw sa pondo ng bayan, partikular sa mga proyekto para sa flood control.
“Kitang-kita ko na maraming proyekto para sa flood control ay palpak at gumuho. At ‘yung iba, guni-guni lang,” ayon sa Pangulo.
Inatasan din ng Pangulo ang DPWH na magsumite at maglathala ng listahan ng lahat ng flood control projects sa nakalipas na tatlong taon upang malaman ng publiko kung sino ang dapat managot. RNT/JGC