Home NATIONWIDE Brgy. official na kumupit sa cash aid sa buntis pinakakasuhan ng DSWD

Brgy. official na kumupit sa cash aid sa buntis pinakakasuhan ng DSWD

MANILA, Philippines – Mariing inatasan ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian ang DSWD Field Office 11 (Davao Region) na tumulong sa pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa isang opisyal ng barangay na umano’y nagbawas ng pera mula sa cash aid  na tinanggap ng isang buntis.

Ayon sa ulat, kinaltas umano ng nasabing barangay official na pansamantalang hindi pinangalanan ang halagang P8,500 mula sa P10,000 halaga ng cash aid na natanggap ng isang buntis na ginang nitong nakaraang Huwebes (June 6).

“We are calling on all beneficiaries to never allow anybody to give their cash grants to them. Their grants are for them. And if somebody tries to get it, what they should do is report to the DSWD rather than give the cash grant,” ani Secretary Gatchalian.

Sa ulat ng DSWD Davao Region field office, kinilala ang biktima na si Anne Villarin, beneficiary ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) na nakatanggap  ng P10,000 sa ginanap na payout sa Davao.

Napag-alaman na sinabihan umano si Villarin ng isang di nakilalang indibidwal na i-remit ang P10,000 sa kanilang barangay na siya naman niyang ginawa subalit sa kanyang pagtataka P1,500 halaga na lang ang ibinigay sa kanya dahil kinaltas na ng barangay official ang halagang P8,500.

“As soon as we saw the complaining victim online, we sent our social workers to see her and they were able to verify her complaint about the original Php10,000 cash aid becoming a measly P1,500 after it was remitted to her barangay,” dagdag pa ng Kalihim.

Bunsod nito, agad na nagbigay ng direktiba ang DSWD chief kay Davao Regional Director Vanessa Goc-ong na tulungan si Villarin sa pagsasampa ng mga kasong kriminal at administratibo laban sa nasasangkot na barangay official.

Sinabi pa ni Secretary Gatchalian na tatayo din bilang co-complainant ang DSWD Field Office 11 dahil ang P10,000 ay galing sa AICS program ng ahensya.

“Let this be a warning to all. DSWD cash grants are for beneficiaries alone. Nobody, not even government officials, should take part of these cash aids,” sabi pa ni Secretary Gatchalian.

Samantala, sa isinagawang imbestigasyon ng DSWD Field Office 11 nabatid na natanggap ni Villarin ang Php10,000 cash aid noong June 6 at sa kaparehong araw ay nagpasalamat pa ito sa ahensya dahil sa pagkakatanggap ng nasabing halaga matapos na makapag post pa ito ng kanyang video message.

Napag-alaman na matapos na matanggap ni Villarin ang nasabing halaga, isang unnamed individual ang lumapit sa biktima at sinabihan syang i-remit sa kanilang barangay ang natanggap na cash aid.

Subalit nang balikan ni Villarin ang kanilang barangay noong June 7, nabatid na Php1,500 na lang ang ibinigay sa kanya at kinaltas na ang halagang Php8,500.

Dahilan din ito upang magpost ng video sa social media ang biktima at ireklamo ang ginawa sa kanya ng kanilang barangay. Mabilis ding nagviral ang video ni Villarin na ngayon ay mayroon ng 1.7 million views. Santi Celario