Home SPORTS Brownlee nagpaabot ng dasal para sa paggaling ni Kai Sotto

Brownlee nagpaabot ng dasal para sa paggaling ni Kai Sotto

NAGPAABOT ng dasal at suporta si Gilas Pilipinas player Justin Brownlee para sa kanyang teammate na si Kai Sotto matapos ang masaklap na balitang nagtamo nitong ACL injury.

Kinumpirma ng Koshigaya Alphas nitong Miyerkules na ang 7-foot-3 na si Sotto ay nagkaroon ng anterior cruciate ligament (ACL) tear sa laban nila kontra Sea Horses Mikawa noong nakaraang Linggo, kung saan natalo sila sa iskor na 77-79.

Ayon kay Brownlee, malaking dagok ang injury ni Sotto para sa Gilas Pilipinas.

Napakahirap aniya ng sitwasyong ito para sa team at lalo na kay Kai.

Aniya, naiisip niya ang pinagdaraanan ni Sotto ngayon, pero umaasang gagaling agad ang batang manlalaro.

Dagdag pa niya, umaasa siyang mananatiling matatag si Sotto sa kabila ng pagsubok.

Dahil dito, kumpirmadong hindi makakasama si Sotto sa susunod na window ng FIBA Asia Cup qualifiers na gaganapin sa Pebrero. Gayunpaman, nananatiling positibo si Brownlee sa kinabukasan ni Sotto.

Samantala, si Gilas head coach Tim Cone ay tumangging magbigay ng pahayag ukol sa injury ni Sotto matapos ang pagkatalo ng Ginebra sa NorthPort sa PBA Season 49 Commissioner’s Cup.

Sa halip, pinuri niya ang lakas ng Batang Pier na kasalukuyang nangunguna sa standings matapos ang kanilang ikapitong panalo sa walong laro. Gilbert Perdez