MANILA, Philippines- Inatasan ng Bureau of Corrections (BuCor) nitong Huwebes ang superintendents ng prison and penal farms na tiyaking walang magaganap na “untoward incident” sa kani-kanilang pasilidad kasunod ng pananaksak sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City na nagresulta sa pagkasawi ng isang inmate at ikinasugat ng dalawa pa.
Sinabi ng BuCor na hindi nito pinapangalanan ang mga sangkot sa insidente hangga’t hindi naipagbibigay-alam sa kani-kanilang pamilya ang pangyayari.
Binigyang-diin nga ahensya ang commitment nito sa pagpapanatili ng dignidad at respeto sa mga pamilya ng persons deprived of liberty (PDLs) na apektado ng insidente.
Batay sa ulat na isinumite ni NBP Acting Superintendent Corrections Chief Inspector Roger Boncales, naganap ang insidente bandang alas-7:15 ng umaga nitong Huwebes sa Gate 1-A, Quadrant 4 ng Maximum Security Camp of the NBP.
Inatasan ng BuCor lahat ng superintendents ng operating at prison farms na tiyakin ang kaligtasan ng PDLs at staff habang iniimbestigahan ang insidente. RNT/SA