MANILA, Philippines- Naglaan ang Government Service Insurance System (GSIS) ng halos P8.6 bilyon para sa emergency loans, para sa 360,000 active members, at old-age at disability pensioners sa Luzon na sapul ng mga bagyo kamakailan.
Sa ilalim ng pasilidad, maaaring mag-loan ang mga kwalipikadong miyembro na walang existing emergency loans ng hanggang P20,000. Maaari namang humiram ang mayroong emergency loans hanggang P40,000 upang bayaran ang nauna nilang utang, at para makatanggap sila ng maximum net na P20,000.
Maaari ring mag-apply ang old-age and disability pensioners ng P20,000-emergency loan, sa kondisyong residente sila ng calamity-hit areas, at ang kanilang net basic monthly pension ay hindi bababa sa 25% kasunod ng loan deductions.
Mayroong 6% interest rate ang loan na may three-year payment period.
Ang eligible applicants ay “active members who are working or residing in calamity-declared areas, have no due and demandable loan, are not on unpaid leave, have paid premiums in the last six months prior, have no pending administrative or criminal cases, and have a net monthly take-home pay of at least P5,000.”
Kasado ang deadline para sa aplikasyon sa Enero 5 para sa mga nasa Ifugao; Nueva Vizcaya; at Burgos, at Bautista sa Pangasinan.
Mayroon namang hanggang Enero 30 ang mga nasa Quezon (maliban sa Lucena City); Camarines Sur; Laguna; Naga City; Juban, Bulan, Irosin, Barcelona, Donsol, Matnog, at Castilla sa Sorsogon; at San Fernando, Masbate para mag-apply.
Gugulong naman ang aplikasyon sa Sorsogon City, Bacon, Casiguran, Bulusan, Magallanes, Santa Magdalena, Gubat, Prieto Diaz, at Pilar sa Sorsogon hanggang Pebrero 3.
Sa Masbate, ang deadline para sa mga nasa Pio V. Corpuz ay kasado sa Pebrero 12, habang ang mga nasa Uson ay mayroong hanggang Pebreo 21 para magsumite ng aplikasyon. RNT/SA