Home NATIONWIDE Budget para sa mahahalagang proyekto target ibalik ni PBBM

Budget para sa mahahalagang proyekto target ibalik ni PBBM

MANILA, Philippines- Nais ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na muling suriin ng mga ahensya ng gobyerno ang mga programa ng administrasyon na nakapaloob sa National Expenditure Program (NEP) subalit pinigilan ng Kongreso na mapondohan.

Hangad ng Chief Executive na tutukan ng mga ahensya ng pamahalaan ang mga mahahalagang socioeconomic program ng kanyang administrasyon.

“We have to reexamine so that the programs that we wanted – that we put in the NEP — can somehow be restored,” ang sinabi ni Pangulong Marcos sa ika-18 Cabinet Meeting sa Malakanyang, araw ng Martes.

“For the rest of the departments, I need you to give me the priorities  – the things that we prioritized in the NEP that were removed in terms of budgeting, in terms of appropriations,” dagdag na wika ng Pangulo.

“So, what are those? In each department, what are those that are absolutely critical to the socioeconomic program as we delivered to the Congress? Paano natin ibabalik kasi critical ‘yung mga program na nawala,” aniya pa.

Tinuran pa ng Pangulo na nais niyang marinig mula sa ibang departamento kung ano ang nangyari sa kanilang budget lalo na para sa mga mahahalagang proyekto.

Nakahanda naman ang Pangulo na umupo kasama ang bawat departamento para tiyakin na ang actual expenditure program ay magiging katulad ng NEP.

“Many things have to be fixed,” giit ng Pangulo.

Binigyang-diin at inihalimbawa nito ang P12-billion na pagbaba sa budget para sa maintenance ng mga lansangan, P500-million na pagbabawas sa pondo para sa routine maintenance ng mga tulay at P21-billion budget na tapyas naman para sa feasibility studies. 

Matatandaang tinintahan ni Pangulong Marcos noong Disyembre 30 upang maging ganap na batas ang P6.326-trillion General appropriations Act (GAA) para sa taong 2025.

Gayunman, bineto (veto) naman ni Pangulong Marcos ang ilang probisyon na hindi makatutulong sa pangangailangan ng mga tao at isinulong ang conditional implementation sa ilang items upang masiguro ang masinop na paggamit ng public funds.

Ang 2025 expenditure program ay 9.7% na mas mataas kaysa sa FY 2024 budget na P5.768 trillion at 22.0 % ng tinatayang FY 2025 gross domestic product (GDP). Kris Jose