Home HOME BANNER STORY Buhay na beteranong Pinoy nasa 960 na lang – PVAO

Buhay na beteranong Pinoy nasa 960 na lang – PVAO

Elderly and somehow weary World War II Pangasinan veterans attend the commemoration of the 73rd Lingayen Gulf Landings of the Allied Forces and 11th Pangasinan Veterans’ Day at Pangasinan Veterans Memorial Park in Lingayen on Tuesday. Under the command of Gen. Douglas MacArthur the Allied Forces landed along Lingayen Beach on January 9, 1945 to start the liberation of the Philippines from the Japanese occupation. //january09,2018//Lingayen,Pangasinan//KARL ROMANO

MANILA, Philippines — Aabot na lamang sa 960 mula sa humigit-kumulang kalahating milyong Filipino World War II veterans ang nabubuhay pa, ayon sa Philippine Veterans Affairs Office.

Ang mga ito ay may karapatan na makatanggap ng buwanang pensiyon sa pagtanda na P20,000 at libreng pagpapaospital sa Veterans Memorial Medical Center, ayon kay PVAO Deputy Administrator Restituto Aguilar.

“Ito ay napakaliit na bilang na lang. Noong 1945 na mayroon tayong 260,000 na ni-recognize ng US government at saka iyong mga hindi na-recognize na may karapatan din namang mabigyan ng parangal ay 250,000,” aniya sa isang interbyu.

Ang Pilipinas ay teritoryo ng US nang sumalakay ang Japan noong 1941 at hanggang sa pagtatapos ng digmaan noong 1945. Nabawi nito ang kalayaan noong Hulyo 1946.

Sinabi ni Aguilar na ang P20,000 buwanang pensiyon ay “sapat lang” para sa mga gamot ng mga nakaligtas na beterano ngunit nakakatulong din umano ang benepisyo sa ospital.

“Kung sila ma’y nasa probinsiya, mayroon din kaming veterans’ ward sa mga regional or public hospitals na mayroon kaming [Memorandum of Agreement] sa kanila na tatanggapin nila iyong mga beterano at kung anuman ang kanilang bill pagkatapos ng hospitalization, siyempre kasama. na doon iyong, PhilHealth at saka iba pa, [Philippine Charity Sweepstakes Office] na deductions — iyong natitira doon ay babayaran po ng PVAO,” dagdag pa ni Aguilar.

Samantala, nanawagan ang PVAO sa mga mananaliksik at manunulat na magsulat ng World War II na kuwento batay sa pananaw ng mga Pilipino, at idinagdag na ang mga digitized na tala mula sa panahon ay na-upload na ngayon sa website nito.

Aniya, karamihan sa kasaysayan ng militar ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig ay isinulat ng US, na kumuha ng mga rekord mula sa Pilipinas pagkatapos ng digmaan.

“So ito ngayon, noong 2015 at saka 2017, nagpadala kami ng mga teams para ma-digitize ang lahat ng records na iyon doon sa US. Iyon ngayon ay uploaded na sa aming website, libre na ang lahat ng researchers, manunulat, researcher para gumawa ng kasaysayan ng ating mga beterano ayon sa perspektibo ng isang Pilipino,” dagdag pa niya. Santi Celario