MANILA, Philippines – Nakakalahati pa lamang ng araw ngayong Nobyembre 1 ngunit umabot na sa mahigit 700,000 ang nagtungo ngayong umaga sa Manila North Cemetery (MNC).
Base sa datos ng MPD Command Center, nasa kabuuang 705,000 na ang dumalaw sa sementeryo.
Mapapansin ngayon na maraming matatanda at bata ang kasamang bumibisita sa puntod ng kanilang mahal sa buhay.
Ang Manila DRRMO ay nakapagtala na rin ng higit 40 pasyente na binigyan ng paunang lunas matapos makaranas ng pagkahilo at hirap sa paghinga.
Sa bilang na ito, dalawa na ang kinailangang isugod sa ospital para sa karagdagang medical attention.
Inaasahan namang lalo pang tataas ang bilang sa mga susunod na oras hanggang hapon.
Pinapayuhan ng MPD ang publiko na hindi na magbibigay pa ng extension sa pagpasok sa sementeryo dahil hanggang alas-7 ng gabi lamang maaring dumalaw.
Muli ring pinaalalahanan ang mga magulang na hawakang mabuti ang kanilang mga anak upang hind mahiwalay o mawala. Jocelyn Tabangcura-Domenden