Home METRO Building inspections paiigtingin ng Valaenzuela kasunod ng warehouse fire

Building inspections paiigtingin ng Valaenzuela kasunod ng warehouse fire

MANILA, Philippines-  Sinabi ni Valenzuela City Mayor Wes Gatchalian nitong Biyernes na pinaiigting ng lokal na pamahalaan ang pagsisikap nito sa pag-inspeksyon sa industrial at commercial buildings sa lungsod kasunod ng sunog na lumamon sa isang warehouse facility. 

Ani Gatchalian, itinatag ng lungsod ang Taskforce Disiplina na binubuo ng building at fire officials upang matiyak ang pagtalima sa building, electrical, at sanitary protocols sa 15,000 industrial at commercial establishments sa Valenzuela. 

“Talaga pong we exert all effort in going around the city and checking everything para ho nakakaiwas tayo [sa sunog],” anang alkalde.

Pinayuhan ni Gatchalian ang mga opisyal na responsable sa pangangasiwa ng pasilidad na paigtingin ang pag-iingat upang maiwasan ang sunog.

“Nananawagan ho ako sa lahat po ng ating factory and warehousing establishments to please check their electrical wirings and mechanical wirings ng mga makina – ito po ‘yong pinaka-prevention na magagawa natin,” pahayag niya.

“Pangalawa po, of course, ‘yong mga fire extinguisher natin, mga sprinklers natin, to make sure to have it tested,” dagdag ni Gatchalian.

Sumiklab ang third-alarm fire sa two-story kitchenware warehouse sa Barangay Paso de Blas nitong Biyernes ng hapon. Inabot ng halos 17 oras bago tuluyang makontrol ng Bureau of Fire Protection ang sunog. Hindi pa nakapagbibigay ng detalye ang mga awtoridad ukol sa sanhi ng insidente.

“Talagang warehousing sila eh, so there’s no manufacturing, there’s no welding or electrical… it’s purely warehouse at ito po’y imported goods I think from China na mga plastic products and kitchen products so hindi malinaw ho saan nanggaling ‘yong sunog,” giit ni Gatchalian. 

“Kaya ho ito naging medyo matagal at visible if you pass by NLEX kasi plastic products ho [ang lamang ng warehouse], ‘yong plastic products talaga hong matagal mapatay at saka ‘yong smoke is itim na itim,” patuloy niya.

Samantala, sinabi ni Gatchalian na karaniwan ang rubbish fires sa Valenzuela City.

“Nanawagan ho ako sa mga kababayan ho natin na huwag hong magtatapon ng sigarilyo, huwag hong magsisiga kahit tingin niyo, maliit lang ‘yon,” apela niya. RNT/SA