Home NATIONWIDE Pag-aaral ng mga estudyante ‘di maapektuhan ng pagbabalik sa dating school calendar...

Pag-aaral ng mga estudyante ‘di maapektuhan ng pagbabalik sa dating school calendar – VP Duterte

MANILA, Philippines- Tiniyak ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte sa mga stakeholders na hindi maaapektuhan ang pag-aaral sa pampublikong eskwelahan sa unti-unting pagbabalik sa ‘old school calendar.’

Sinabi ni VP Sara na mayroong “extensive consultations” bago inanunsyo ang ‘shortened break’ para sa kasalukuyang school year.

“Pero iyong school calendar hindi naman makakaapekto sa mga kailangan gawin ng Department of Education para mayroong catch-up iyong ating mga kabataan, iyong ating mga learners sa kailangan nilang matutuhan sa mga paaralan,” ayon kay VP Sara.

Winika pa ni VP Sara na bagama’t pinaikli rin ang bilang ng araw ng ‘school days’ dahil wala nang two-month break ang mga estudyante bago magsimula ang School Year 2024-2025, ang pagkakaiba ay maliit lamang.

“Kaya din po gradual iyong shift natin sa school calendar at hindi natin biglang binalik agad na magtapos ang mga bata sa March dahil iyon ang isang consideration,” giit ni VP Sara.

“Makaapekto iyon sa kailangan pag-aralan, iyong learning competency ng mga mag-aaral,” dagdag pa niya.

Matatandaang inanunsyo ng DepEd ang kasalukuyang school calendar sa pamamagitan ng Department Order No. 003 S. of 2024, idineklara ang May 31, 2024 bilang bagong ‘adjusted end date’ ng kasalukuyang SY 2023-2024.

Ang simula ng SY 2024-2025 ay itinakda araw ng Lunes, Hulyo 29, at magtatapos ng araw ng Biyernes, Mayo 16, 2025.

“Originally, the end of SY 2023-2024 was set for June 14 but with the adjusted school calendar, students would be on break from June 1 to July 26, 2024,” ayon sa DepEd.

Inaasahan naman ng departamento na base sa kasalukuyang adjustments na ginawa sa school calendar, aabutin ng hanggang SY 2027-2028 para sa school year na matatapos sa Marso.

Ang pagbubukas ng klase para sa SY 2028-2029 ay maaaring itakda sa Hunyo 5, 2028. Kris Jose