Home NATIONWIDE Bulkang Kanlaon muling nagbuga ng abo; task force bubuuin ni PBBM

Bulkang Kanlaon muling nagbuga ng abo; task force bubuuin ni PBBM

MANILA, Philippines – Nananatili sa Alert Level 3 ang Bulkang Kanlaon matapos ang dalawang pagbuga ng abo sa nakalipas na 24 oras, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).

Umabot sa 300 metro ang taas ng abo, kasabay ng paglabas ng 2,574 toneladang sulfur dioxide at patuloy na degassing. Tatlong pagyanig din ang naitala, at nananatiling namamaga ang bahagi ng bulkan, na senyales ng patuloy na pag-aalboroto nito.

Nag-utos ang mga awtoridad ng agarang paglikas sa mga residente sa loob ng 6-kilometrong radius mula sa bunganga ng bulkan dahil sa banta ng biglaang pagsabog, pag-ulan ng abo, pagguho ng bato, at pagdaloy ng lava. Iminungkahi rin ng Phivolcs ang pagbabawal ng paglipad malapit sa bulkan.

Samantala, inanunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagbuo ng task force na pamumunuan ng Office of Civil Defense para tugunan ang pangmatagalang epekto ng pagsabog ng Bulkang Kanlaon.

Kabilang sa mga plano ang paglilipat ng mga residente sa labas ng danger zone, pagtatayo ng permanenteng evacuation center, at pagbibigay ng kabuhayan sa mga apektadong komunidad. Tiniyak din ni Marcos ang patuloy na suporta ng gobyerno para sa mga lumikas at nawalan ng tirahan. RNT