NABASA natin ang maraming accounts sa social media na bumabatikos kay Sen. Raffy Tulfo dahil sa ginawa niyang “pang-iinsulto” sa isang saksi sa patuloy na paglilitis sa Impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.
Idol ng masa si Sen. Raffy kaya naman inaabangan siya ng madlang pipol kung paano maninimbang bilang senator-judge sa nasabing paglilitis sa Pangalawang Pangulo.
Palaging inaasahan ng kanyang mga tagahanga at tagasuporta na kikilos siya bilang isang maginoo.
Hindi na bago, sa katunayan, ang akusasyon na karaniwang iniinsulto, ipinahihiya at binu-bully ng mga mambabatas ang mga saksi.
Hindi lang sa Senado, maging ang mga resource person sa Kongreso ay ganito rin ang sinasapit.
Pero mukhang sumobra kaya napasama ang sitwasyon ni Sen. Raffy nang tawagin niya ang isang babaeng saksi na istupida dahil hindi lang niya ito mapilit na sumagot, ayon sa nais niyang malaman sa kanyang mga tanong.
Nasundan ito ng panibago niyang “pambu-bully” sa isa pang testigong lalaki. Pinalalabas niya na nagsisinungaling at nagtatanga-tangahan ang testigo sapagkat hindi na naman siya nakakuha mula rito ng mga sagot na gusto niyang marinig.
Batid ng madla o ng netizens kung saan nanggagaling ang “init ng dugo” ni Sen. Raffy sa Impeachment trial.
Alam na ng mga tao kung ano ang “kulay” niya sa kasalukuyang pulitika. Isa siya sa Tulfo brothers na tinatangkang isabak sa darating na 2028 presidential elections.
Wala namang masama kung siya ay mag-ambisyon, karapatan niya iyon. Pero hindi siya dapat magpahalata ng sobrang panggigigil na para bang laging may “totorohin”. Sabi nga sa isang post, nasobrahan yata siya sa paglaklak ng men’s supplement. Bwar,har,har!
Anoman ang kulay sa pulitika, ang bawat senator-judge ay may tungkuling huwag maagang magpakita ng kinikilingan sa Impeachment trial. Kumilos sila dapat na may kahusayan.
Ang mga senator-judge ay dapat maging IMPARTIAL at huwag maging pala-desisyon.
Hindi lang naman kayo ang nagnanais ng katotohanan sa mga inaakusa laban kay VP Sara. Higit sa lahat, kaming madla o mga botante ay naghahangad din na mapabilis na itong kaso para maparusahan kung sino man ang dapat na parusahan.
Huwag naman po kayo maging bully na kung bumanat at manghusga ay parang walang bahid sa inyong mga pangalan.
Na para bang hindi kayo nadawit sa issue ng korapsyon. At please lang po, tigilan n’yo ang pangangaral at pagsasalita tungkol sa moralidad. NAKADIDIRI!






