Home METRO Bumisita sa kaibigan, kelot patay sa pamamaril

Bumisita sa kaibigan, kelot patay sa pamamaril

MANILA, Philippines – Patay ang isang lalaki na bumisita lamang sa kanyang kaibigan nang pagbabarilin ng riding in tandem sa Maynila.

Sa ulat, nangyari ang insidente sa bahagi ng Priscilla St., sa Sta. Cruz, Maynila kung saan dumaan ang dalawang lalaki lulan ng isang motorsiklo.

Bumaba ang back ride na sinundan din ng rider kalaunan.

Nang makalapit sa biktima, parehong naglabas ng baril ang mga suspek at ilang beses na nagpaputok.

Bago ang insidente, nakita umanong nagmamasid sa lugar ang mga suspek na maaaring hinihintay ang pagdating ng biktima.

Ayon sa isang testigo, tumabi pa sa kanya ang isa sa suspek habang siya ay kumakain at nagtanong kung may halo-halo.

Makalipas ang ilang minuto, nagulat na lamang aniya ito nang magpaulan ng sunod-sunod na putok ang mga suspek kaya agad siyang napatakbo sa loob ng bahay dahil sa takot.

Naisugod pa sa pagamutan ang biktima pero hindi na siya umabot ng buhay sa ospital.

Ayon sa barangay, hindi nila residente ang biktima na noon ay bumisita lamang sa kanyang kaibigan.

Sa imbestigasyon ng MPD-Homicide Section, maituturing na may persons of interest na sa kaso.

Patuloy din ang follow-up operation at backtracking para mahuli ang mga suspek habang inaalam pa sa ngayon ang motibo sa pamamaril. Jocelyn Tabangcura-Domenden