Bumagal ang takbo ng mga sasakyan sa kahabaan Ng Roxas Blvd sa Maynila nitong umaga ng Lunes, Agosto 17, 2026 dahil sa malakas na ulan na nagdulot ng matinding pagbaha sa lugar.Larawan ni ERIC OCAPAN
MANILA, Philippines – Inaasahang magdadala ng mga pag-ulan sa ilang bahagi ng Visayas at Mindanao sa Miyerkules, Setyembre 23, ang trough o buntot ng tropical depression na nasa labas pa ng Philippine Area of Responsibility (PAR), ayon sa PAGASA.
Kabilang sa mga lugar na posibleng makaranas ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan ang Eastern Visayas, Central Visayas, Caraga, Davao Region, Sorsogon, Masbate, Misamis Oriental, Bukidnon at Camiguin.
Ayon kay PAGASA weather specialist Benison Estareja, nakaaapekto na ang trough ng bagyo sa malaking bahagi ng Visayas at Mindanao.
Posibleng pumasok sa PAR ang tropical depression sa Huwebes, Setyembre 24, habang kumikilos pakanluran-hilagang-kanluran. Tatawagin itong “Queenie” kapag nakapasok sa PAR at maaari pa itong lumakas bilang tropical storm.
Alas-5 ng hapon nitong Martes, namataan ang tropical depression 1,870 kilometro silangan ng Southeastern Luzon. Taglay nito ang maximum sustained winds na 45 kilometro kada oras at pagbugsong aabot sa 55 km/h.
Samantala, partly cloudy hanggang cloudy skies na may isolated rain showers dahil sa localized thunderstorms ang maaaring maranasan sa Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa.
Inaasahan naman ng PAGASA na mananaig ang generally fair weather sa Luzon sa susunod na tatlong araw. RNT