Home OPINION BUONG IMBESTIGASYON VS BAHA ANG DAPAT

BUONG IMBESTIGASYON VS BAHA ANG DAPAT

189
0

HINDI pa natutuyo ang laway ni Pangulong Bongbong Marcos sa pagsasabi at pagmamalaki na nakagawa na ang kanyang gobyerno ng nasa 5,500 proyektong laban sa baha, rumagasa na ang katakot-takot na baha sa buong bansa sanhi ng bagyong Carina at habagat.

Hindi tuloy malaman ng bayan kung binola lang sila o hindi ni Marcos.

Dahil sa baha na ikinamatay ng marami at ikinasira ng marami at sari-saring ari-arian, sinasabi ng liderato ng Senado na iimbestigahan nila ito.

Pero hanggang saan at kanino ang kanilang imbestigasyon?

Ano-ano ang kanilang iimbestigahan at may mga mananagot ba kung talagang palalimin nang husto ang imbestigasyon at may kaaliwaswasan o korapsyon o pandarambong?

Heto, mga brad, ang dapat saklawin ng imbestigasyon.

Mula noong umupo si Marcos na Pangulo, nakaipon na ang programang kontra-baha ng pondong P598.3 bilyon, kabilang na ang mga pondong para sa kalahati ng 2022 at buo para sa 2023, 2024, ibinigay sa Metro Manila Development Authority at utang mula sa Asian Development Bank na $303 milyon.

Nandiriyan  pa ang P454B noong 2023 at P545B ngayong 2024 o halos P1 trilyong laban sa climate change na panlaban din partly sa baha.

Iba pa ang mga pondong ibinubuhos ng mga local government unit laban sa baha.

Lahat ng pondong ito, maging ang pambayad sa utang sa ADB, ay galing sa buwis ng taumbayan.

Kaya naman, dapat lang imbestigahan ang pagbaha na ‘di katanggap-tanggap na naganap sa laki ng mga buwis na ibinubuhos sa mga proyektong laban sa baha taon-taon.

Pero sa dulo ng imbestigasyon, sakaling may mga korapsyon at pandarambong, makaaasa ba ang taumbayan, ang mga biktima ng baha at nagbabayad ng buwis na may mananagot?

Baka naman ang Diyos pa ang sisihin sa imbestigasyon!

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here