MANILA, Philippines – Negatibo sa isinagawang drug test at alcohol test ang bus driver na sangkot sa malagim na karambola sa Subic–Clark–Tarlac Expressway (SCTEX) na kumitil sa buhay ng 10 katao.
Ayon sa Tarlac City Police Station, sumailalim sa alcohol breath analyzer test at mandatory drug testing ang drayber ng Solid North Bus Transit Inc.
“The results for both tests were negative,” saad sa pahayag ni Tarlac City Police chief Police Lieutenant Colonel Romel Santos.
Noong Mayo 1, 10 katao kabilang ang apat na bata, ang nasawi at mahigit 37 ang sugatan sa karambola sa Tarlac City toll plaza ng naturang expressway.
Nagresulta ito sa pagkakasuspinde sa loob ng 30 araw ng operasyon ng Pangasinan Solid North Transit Inc.
Nitong Lunes, Mayo 5, inanunsyo ni Transportation Secretary Vince Dizon na oobligahin na ng pamahalaan ang lahat ng drayber ng public utility vehicles (PUV) na sumailalim sa mandatory drug testing.
“Ako po ay galit na galit nung narinig ko sa news na ‘yung hinuling driver ng Solid North ay ayaw daw magpa-drug test. Wala po siyang choice… Hindi pwedeng hindi ka pumayag. Nakapatay ka ng sampung tao, hindi ka papayag na magpa-drug test? Pwede ba ‘yun? Parang katawa-tawa naman ‘yun,” ani Dizon.
Makikipagtulungan umano ang Department of Transportation (DOTr), Land Transportation Office (LTO), at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa implementasyon nito. RNT/JGC