MANILA, Philippines- Nagdulot ng pagsikip sa daloy ng trapiko ang butas sa bahagi ng Marcos Highway sa Barangay Sta. Cruz, Antipolo City nitong Sabado.
Ayon sa ulat, napansin ng mga lokal ang depormidad sa mga nakalipas na araw bago ito tuluyang naging malaking butas bandang alas-2 ng madaling araw.
Naaksidente pa umano ang isang motorcycle rider dahil dito, base sa ulat.
Ipinaliwanag ng Department of Public Works and Highways na hindi ito isang sinkhole.
Sa inisyal na pagsusuri, sinabi ng DPWH na barado ang drainage sa ilalim nito.
Maaari umanong ang baradong drainage ang dahilan ng paglambot ng lupa na nagresulta sa butas sa kalsada.
“Yung isa po nagbara kasi marami na siyang silt at saka mga lupa na mga bato. Nililinis na siya paunti-unti ngayon,” pahayag ni Perry Cleofaz, DPWH district engineer.
Samantala, tiniyak naman ng Manila Water sa mga residente na hindi makaaapekto ang butas sa suplay ng tubig sa lugar.
“Wala naman kaming activities na ginagawa diyan lately. Wala ding na-observe na leak,” ani Dittie Galang, Manila Water corporate communications head.
Kasalukuyang kinukumpuni ng contractors ng Manila Water ang nasabing butas.
Pinayuhan ang mga motoristang dumaan muna sa mga alternatibong ruta habang kinukumpuni ang kalsada. RNT/SA