Home HOME BANNER STORY Ibon mula Australia haharangin ng DA

Ibon mula Australia haharangin ng DA

MANILA, Philippines- Ipinagbawal ng Philippine government, sa pamamagitan ng Department of Agriculture (DA), ang pag-aangkat ng mga ibon mula sa Australia kasunod ng mga kumpirmadong kaso ng bird flu sa nasabing bansa.

Sinabi ng DA nitong Sabado na ipinag-utos ang ban sa pag-aangkat ng domestic at wild birds galing Australia matapos isumite ng Chief Veterinary Officer nito ang naiulat na outbreaks ng H7N3 at H7N9 —subtypes ng highly pathogenic avian influenza virus—sa World Organization for Animal Health (WOAH).

Naiulat ang outbreaks noong Mayo 23 sa Meredith at Mayo 25 sa Terang sa state of Victoria. 

Nakumpirma ng Australian Centre for Disease Preparedness ang impeksyon.

Kasunod nito, sinabi ng DA na ipinalabas ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang Memorandum order No. 21.

Ipinag-utos nito sa Bureau of Animal Industry na suspendihin ang pag-isyu ng Sanitary and Phytosanitary Import Clearances (SPSIC) para sa imports ng Australia na wild at domestic birds, kabilang ang poultry meat, day-old chicks, eggs, at semen.

“All shipments coming from Australia that are in transit/load/accepted unto port before the official communication of this order to the Australian authorities shall be allowed provided that the products were slaughtered/produced on or before May 9, 2024,” pahayag ni Tiu Laurel sa kautusang nilagdaan noong Hunyo 6.

Hangang nitong Abril 2024, inihayag ng DA na ang Australia ang ika-apat na pinakamalaking source ng imported chicken meat, na may kabuuang volume na 5,365 metric tons, katumbas ng 4% ng kabuuang volume ng chicken imports. 

Bukod dito, ang Australia ang ikatlong pinakamalaking source ng mechanically deboned meat (MDM), sa 4,162 metric tons, o 6.1% ng kabuuang volume ng MDM imports.

Sa parehong panahon, nakapag-angkat ang Pilipinas ng 46,987 heads ng day-old chicks at 30,780 piraso ng hatching eggs. RNT/SA