Home NATIONWIDE Buwanang alokasyon para sa P29/kg rice program itinaas

Buwanang alokasyon para sa P29/kg rice program itinaas

MANILA, Philippines- Maaari nang makabili ang mga benepisyaryo ng P29 per kilo rice program ng hanggang 30 kilo ng bigas kada buwan sa pagtriple ng Department of Agriculture (DA) sa buwanang alokasyon para rito.

Inanunsyo ito ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. sa “Trabaho at Serbisyong Pangkalusugan sa Bagong Pilipinas” event nitong Biyernes, sinabing agad ipatutupad ang bagong polisiya sa buong bansa.

“We urge you to take advantage of this new policy, which responds to the calls from our financially-challenged fellow citizens for greater access to more affordable food, especially rice,” ani Tiu Laurel.

Ibinebenta ang P29/kg na bigas sa Kadiwa stores at centers, kung saan ang mga benepisyaryo ay ang vulnerable sectors, kabilang ang senior citizens, persons with disabilities (PWDs), solo parents, at indigents.

Ang bigas na ibinebenta sa ilalim ng inisyatibang ay kinukuha mula sa buffer stocks ng National Food Authority (NFA). RNT/SA