Home OPINION BUWIS NG BAYAN  UBOS SA PANINIRA

BUWIS NG BAYAN  UBOS SA PANINIRA

NALULULONG na sa pamumulitika ang maraming politiko sa Kamara at Senado.

Napakaraming problemang malalaki sa Pilipinas ngunit ‘yang siraan ang namamayani sa kasalukuyan.

Palibhasa, ilang tulog na lang, naririyan na ang Oktubre 2024 na filing ng kandidatura ng mga politiko para sa halalan sa Mayo 2025.

Kailangan nilang magpasikat sa paninira bilang pinakamabisang hakbang sa pag-magnet ng boto ng mga mamamayan?

Pero nasaan ang mga programa na para mga mamamayan na dapat magtagal hindi lang para sa tatlo o anim na taong panunungkulan  kundi sa mahabang panahon?

Ang mga lokal na halal na opisyal hanggang kongresman, tatlong taon lang manunungkulan bawat panalo habang tatlo hanggang anim naman ang senador.

Ang Pangulo at Pangalawang Pangulo, hanggang anim na taon lamang.

SAMPOL NG MGA PANGMATAGALANG PROGRAMA

Kabilang sa mga pinakasampol ng pangmatagalang programa para sa milyon-milyong mamamayan at tatagos sa mga darating na henerasyon ang libreng kolehiyo na sa nakalipas na 100 taon, eh, sa panahon lang ni Pangulong Digong Duterte naganap.

Isa pa ang libreng patubig sa mga sakahan na sa panahon din ni Duterte naganap.

Naririyan din ang Malasakit Center na pinangungahan ni Senador Bong Go at panahon din ni Duterte.

Noong 1981, nagsimula ring itayo ang Light Railway Transit sa panahon ni ex-President Ferdinand Marcos Sr. at ngayon, kung saan-saan na nagsanga-sanga.

Naririyan din ang wind mill na nasimulan sa Ilocos Norte habang gobernador pa noon si ngayo’Y Pres. Bongbong Marcos.

Naririyan din ngayon ang paggamit ng solar light para mapaandar ang mga irigasyong nangangailangan ng mga electric motor o generator .

Siyempre pa, magpasalamat na rin tayo sa mga nakilahok o kumilos na mga kongresman, senador at iba pa para sa mga proyektong ito.

NASAAN ANG MGA NAGSISIRAAN?

Gusto nating ilabas ng mga nagsisiraan, lalo na ang mga naninira , ang kanila nang mga nagawa na pinakikinabangan at pakikinabangan ng milyon-milyon o buong sambayanan.

Halimbawa, meron ba ang mga walang ibang ginagawa kundi manira na solusyon sa sobrang baha na nagaganap sa bansa?

Sa tagal sa Kongreso ng mga ito, walang nakaiisip ng magsabatas ng master plan laban sa baha na naging pambansa nang peste sa lahat.

Wala ring nakaiisip o kumikilos para sa permanenteng tigil-digmaan sa mahigit 50 taon nang rebolusyong komunista na ikinamatay na ng mahigit na ring 50,000 libong Pinoy habang sa panahon ni Digong naganap ang tigil-digmaan sa mga kapatid na Muslim.

O paano, hanggang siraan na lang ba ang lahat at inuubos ang pondo ng gobyerno para rito?