Home OPINION KORAPSYON SA FLOOD CONTROL PROJECTS

KORAPSYON SA FLOOD CONTROL PROJECTS

ISA sa highlight noong nakaraang State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr ay tungkol sa sangkaterbang  flood control projects ng pamahalaan.

Ipinagmalaki ang mga proyektong  bilyones ang halaga na ginawa sa iba’t ibang lugar sa Luzon, Visayas at Mindanao na aniya’y sagot sa matagal nang  nararanasang mga pagbaha sa bansa.

Pero ang pahayag ni Pangulong Marcos na mga flood control ay tila nagkaroon ng pagdududa dahil ilang araw matapos ang SONA ay nakaranas tayong  muli nang matinding baha dala ng habagat at bagyong Carina.

Supalpal si PBBM sa kanyang pinagsasabing proyekto dahil lumalabas na nabudol siya sa mga ibinahaging flood control information kasi nariyan pa rin ang problema sa baha.

Ang pagresolba sa baha ay isang bagay na dapat pagtuunan ng pansin ng Malakanyang, Senado at Kongreso para maisakatuparan at maging makatotohanan ang ambitious flood control projects.

Maging honest lang ang mga namumuno – simula sa presidente, senador, kongresista pababa sa local government units na gamitin ang pondo nang maayos at walang ‘hocus-pocus’ ay tiyak na magiging  ‘thing of the past’ ang baha sa Pilipinas.

Sinasabi ko ito dahil sa totoo lang, taon-taon ay binabadyetan ng bilyones  ang ibinibigay na alokasyon ng pamahalaan pero dahil sa korapsyon ay walang naisasakatuparang  flood control projects at kung mayroon man ay  ‘di tapos o “skeleton” lamang.

Ang ating mga lider ng pamahalaan at halal na mga opisyal ay palaging nagdedebate  tungkol daw sa kawalan ng ‘master plan’ sa mga proyektong baha kaya kahit na may pondo ay ‘di nareresolba ang problema sa baha.

Ang katunayan, ayon sa aking kaibigang opisyal ng Department of Public Works and Highways, may master plan naman laban sa baha pero hindi ito naisasakatuparan dahil sa salot at umiiral na korapsyon.

Ang siste kasi, may porsiyentong katkong  si congressman o kaya si senador  bukod pa kay DPWH official at mayor kaya bago pa simulan ang proyekto ay ubos na ang pondo ng flood control projects.

Kailangang kumita rin ang kontraktor kaya ang natitirang katiting na pondo ay substandard at incomplete ang proyekto na kaagad nasisira kapag dumaluyong na ang tubig baha.

Kamay na bakal na ang pairalin ng Pangulo sa mga korap sa gobyerno para sa mga susunod na SONA ay hindi na budol info o fake news ang maririnig sa kanya ng sambayanang Pilipino.