TINIYAK ng bagong upong Presidential Communications Office Secretary Cesar Chavez ang pakikipagtulungan sa pamunuan ng National Press Club sa iba’t-ibang problemang kinakaharap ng mga tradisyonal na mamamahayag.
Nito kasing araw ng Linggo, Setyembre 7, naging panauhin ni Chavez sa kanyang regular na programang Special on Sunday sa DZRH ang pamunuan ng NPC na pinangunahan ng Pangulong Leonel “Boying” Abasola at Director Aya Yupangco at inilahad ng kalihim ang pangakong pakikipagtulungan sa pinakamalaking professional news organization sa buong bansa.
Ayon kay Chavez, tutulong ang kanyang tanggapan sa NPC sa iba’t-ibang larangan, kabilang ang capacity building, digitally approach sa mga mamamahayag at handang magbigay ng gabay sa mga tradisyonal na mamamahayag.
Ngayon pa lang, naniniwala ang pamunuan ng NPC, maging ng PCO at Philippine Information Agency na maganda ang magiging bunga nang pagtutulungan ng mga nabanggit na tanggapan para sa serye ng “retooling”, capacity building, at maging human resource development.
Inihalimbawa pa ng kalihim ng PCO ang pagsulpot ng AI o artificial intelligence sa bansa na posibleng makatulong o makapinsala sa mga mamamahayag. Sabi pa nito, kung ang AI ay isang banta, dapat itong paghandaan sa pamamagitan ng pagiging responsable at competitive ng mga mamamahayag at handa silang makipagtulungan.
Sa pagsugpo naman sa lumalaganap na fake news, sinabi ng kalihim na kailangan alamin ang mga instrumento at protocols kung ano ang pwedeng pagsamahan ng NPC at ng PIA. Posible ang pagtutulungan ng NPC, PCO, PIA at College Editors Guild of the Philippines upang labanan ang pamamayagpag ng mga pekeng balita.
Tiniyak naman ng kalihim na laging bukas ang kanyang palatuntunang SOS at ang PCO para sa pakikipagtulungan tulad nang paglalahad ng puwedeng project base at collaborations, paglabag sa fake news at sa kapakanan at proteksyon ng mga miyembro ng media.
Nangako naman si Abasola, sa ngalan ng NPC, na makikipagtulungan sila sa PCO, na tinawag naman ni Chavez na critical collaboration dahil may mga pagkakataon na sila ay babatikusin kapag may pagkakamali subalit dapat aniya ay nakatuon pa rin ang pananaw sa pagtulong sa bansa at sa taumbayan na pagkalooban sila ng karapatan sa wasto, may kaugnayan at napapanahong impormasyon.
Giit naman ni Yupangco, maraming vloggers ang nagnanais na maging miyembro ng NPC subalit kailangang dumaan ang mga ito sa matinding screening na sinang-ayunan ni Chavez sabay sabi na inirerespeto niya ang kasarinlan ng NPC.