PANAHON pa lang noon ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo, itinaas na ang sahod ng mga miyembro ng Philippine National Police, Bureau of Fire Protection at Bureau of Jail Management and Penology.
Tumaas muli ang sahod nitong mga empleyado na ang ahensya ay nasa ilalim ng pamamahala ng Department of Interior and Local Government noong panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte. Syempre, pati ang mga sundalo ay tumaas din ang sahod bagaman sila ay nasa ilalim ng Armed Forces of the Philippines na nasa kandungan naman ng Department of National Defense.
Kumpara sa executives at pangkaraniwang empleyado ng pribado, hindi naman napag-iiwanan ang sahod nitong mga pulis, mga bumbero at jail officers. Baka nga mas mataas pa ang kanilang sahod. Pero bakit ang mga ito ay napapasok pa sa katiwalian na minsan ay umaabot pa sa pagkakanlong ng krimen at kriminal kasama na ang ilang iligal na gawain.
Isang halimbawa ng iligal na binibigyang proteksyon ng PNP ay ang sugal, droga, pagnanakaw, kidnapping, carnapping at mga katulad nito habang ang BFP ay ang pagbibigay proteksyon sa ilang hindi maayos na gawa ng mga gusali at mga dokumentong kaugnay nito samantalang sa BJMP naman ay ang pagbibigay ng VIP o special treatment sa persons deprived of liberty na kanilang binabantayan.
Nakapagtataka lang kung bakit nila nagagawa ang ganoong gawain na batid namang kasalanan na sa pagiging tapat sa tungkulin, kasalanan sa Maykapal, at kasalanan sa bayan at mamamayan.
Ano ba ang nagtutulak sa mga ito na gawin ang pagtanggap ng salapi mula sa iligal? Halimbawa na nga sa PNP na tumatanggap ng lingguhang protection money mula sa ilang iligalista. Hindi nga lahat ng unit, dibisyon at mismong tanggapan ang nakatatanggap ng “payola” subalit hindi maikakaila na ang mga operational, support at special units ang may pribilehiyo na makatanggap ng extrang kita.
Sabi ng mga grupong ito, hindi lang naman sila ang nakikinabang sa kanilang kinakabig na koleksyon subalit maging ang “nasa itaas”. Sino ang nasa itaas?
Kailan ba mawawala ang katiwalian at pandaraya sa mga ahensya ng pamahalaan lalo na sa PNP?
Sana lang, maging halimbawa si National Capital Region Police Office director PMGen Jose Melencio Nartatez na pag-upo pa lang ay nagdeklara na ng “NO TAKE” policy. Kung kaya ni Gen Nartatez, dapat mas higit ang mga nasa hierarchy ng PNP.