Home NATIONWIDE CAFGU arestado sa P3.4M shabu

CAFGU arestado sa P3.4M shabu

COTABATO CITY – Arestado ng mga otoridad ang aktibong miyembro ng Citizen Armed Forces Geographical Unit (CAFGU) at nakuhanan ng P3.4 milyong halaga ng shabu sa isinagawang entrapment operation sa Tamparan, Lanao del Sur, nitong Martes ng hapon.

Kinilala ni Director Gil Cesario Castro ng Philippine Drug Enforcement Agency sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (PDEA-BARMM) ang suspek na si Alonto Pampa, residente ng bayan ng Lunbayanague sa Lanao del Sur.

“Nasa detention facility ng PDEA-BARMM ang suspek habang hinihintay ang inquest proceedings para sa kasong illegal drug peddling,” ani Castro sa isang pahayag nitong Miyerkules.

Dagdag pa niya, sangkot si Pampa sa pamamahagi ng iligal na droga sa Lanao del Sur at mga kalapit na lalawigan.

Sa operasyon, nakumpiska ng mga awtoridad ang humigit-kumulang 500 gramo ng shabu, ang buy-bust money, isang .45-caliber pistol na may mga bala, at iba’t ibang identification card mula sa suspek.

Ilang araw lamang bago nito, noong Sabado, inaresto ng pinagsanib na pwersa ng PDEA, pulisya, at militar ang dalawang high-value drug suspect at nasamsam ang PHP13.6 milyon halaga ng shabu. Nadakip ang mga suspek na kinilalang sina Lala Jamih Halisan, 28, at Alwinir Kabran, 20, kapwa mula sa bayan ng Luuk, habang pasakay sana sila sa maliit na sasakyang pandagat sa Barangay Tandu. RNT