INILATAG ni Senator Sherwin Gatchalian nitong Martes ang isang perpektong tanong na dapat ay matagal nang nausisa: Paano ginagastos ng mga intelligence agency sa bansa ang naglalakihan nilang mga pondo?
Ipinunto ni Gatchalian ang kahiya-hiya nang kawalang kakayahan ng iba’t ibang ahensiya na magawa ang pangunahin nilang trabaho na tugaygayan ang mga pinaghahanap na pugante, gaya ng sinibak na si Bamban Mayor Alice Guo, na nagawa silang malusutan nang walang hirap na nakatakas palabas ng bansa.
Kung pakaiisiping nagpalipat-lipat pa siya ng lugar bago nakarating sa pantalan pero walang law enforcement agency na naalerto ay sobrang nakadidismaya at, sa totoo lang, maliwanag na pagsasayang ng pera sa intel.
Karapatan ng mga tulad nating nagbabayad ng buwis ang magtanong. Hindi simpleng pugante lang si Guo. Nasa tuktok siya ng top wanted list ng mga senador, ng mga kongresista, ng Justice Department, at ng mismong Presidente.
Gayunman, ang milyun-milyong piso na inilalaan ng gobyerno sa intelligence funds ay napatunayan nang walang silbi. Paano na lang tayo aasa na may magandang kinapupuntahan ang pondo ng intelligence kung hindi natin magawang matunton ang kinaroroonan ng mga tulad ni Apollo Quiboloy, at ni dating Bilibid chief Gerald Bantag?
Ano nga bang aasahan natin sa intel agents na ito kung ‘yung lalaking pinaghahanap dahil sa tumalbog na tseke, gaya ni Xian Gaza na walang hirap silang nalusutan at bumiyahe pa nga pa-Hong Kong, ay aktibong-aktibo ang presensya sa social media?
Dapat na mahiya sa kanilang sarili ang ating intel agents. Mistulang 10 beses na mas magaling pa sa kanila sa intelligence gathering si Gaza, na mas kilala sa bansag na “Pambansang Marites,” o kaya naman ay si Ogie Diaz.
Intel funds ni Sara
At dun na nga tayo nagkakaproblema — ang hindi pagkakaroon ng tama at sapat na kaalaman kung paano ginagastos ang intel funds. Isang halimbawa rito ang kaso ni Vice President Sara Duterte noong siya pa ang kalihim ng Department of Education.
Sa ilalim ng kanyang pamumuno, nakatanggap ang DepEd nang nakakalulang P150-milyon confidential funds, na gagamitin daw sa paniniktik kaugnay ng mga usaping konektado sa pagre-recruit daw ng mga grupong komunista at terorista ng mga bago nilang miyembro sa loob ng mga campus.
Gayunman, nang tanungin, inamin ng finance office ng DepEd na wala silang ideya kung paano ginagastos ang nasabing pondo. Hindi lamang ito simpleng kapabayaan; isa itong malinaw na insulto sa mga nagbabayad ng buwis. Paano mapagkakatiwalaan ang isang ahensya ng gobyerno na iingatan nito ang ganoon kalaking halaga ng pondo nang walang anomang pananagutan?
Nakabuyangyang ang kawalan ng transparency, at hindi ito isang isolated case lamang. DepEd man o intelligence agencies, malinaw na makikita ang pattern: ang naglalakihang pondo ay ipinamimigay nang may kakaunti o wala talagang pakundangan, at walang ideya rito ang publiko. Kung walang nagbabantay kung paano ginagamit ang pondong ito, hindi na nakapagtataka ang serye nang kapalpakan sa larangan ng intelligence.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).