Home METRO Calanogas, Lanao del Sur isinailalim sa state of calamity dahil sa landslide

Calanogas, Lanao del Sur isinailalim sa state of calamity dahil sa landslide

1
0

LANAO DEL SUR, Philippines – Isinailalim sa state of calamity ang bayan ng Calanogas, Lanao del Sur noong Sabado, Hulyo 11 matapos ang pagguho ng lupa na ikinasawi ng pitong katao at pagkawala ng apat pa.

Nilagdaan ni Mayor Abdul Hakim Benito ang resolusyon matapos itong aprubahan ng Sangguniang Bayan batay sa rekomendasyon ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council (MDRRMC).

Pinakamalubhang naapektuhan ang mga barangay ng Ngingir, Mimbalawag, Piksan, at Inoma dahil sa mga landslide na dulot ng tuloy-tuloy na pag-ulan dala ng Bagyong Inday.

Ayon kay Mayor Benito, makatutulong ang deklarasyon upang mapabilis ang pagpapakilos ng pondo at ayuda para sa mga apektadong residente. Hinikayat din niya ang publiko na umiwas sa mga lugar na delikado sa landslide at sundin ang mga abiso ng mga awtoridad.

Sa pinakahuling ulat, pitong bangkay, kabilang ang dalawang bata, ang narekober sa Barangay Ngingir habang nagpapatuloy ang paghahanap sa apat na nawawala.

Nanatiling hindi madaanan ang bahagi ng Malabang–Marawi City Highway sa Calanogas dahil sa makapal na putik, bato, at debris. Patuloy ang clearing operations ng mga tauhan ng public works.

Batay sa drone survey, may humigit-kumulang 15 landslide sites sa mga barangay ng Inoma, Kalilangang, at Ngingir, kung saan ang Barangay Ngingir ang pinakamatinding naapektuhan.

Dalawa rin ang nasugatan, walong bahay ang tuluyang nawasak, at 39 pamilya ang inilikas sa mas ligtas na lugar. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here