Home METRO CALAX chop-chop victim kilala na

CALAX chop-chop victim kilala na

MANILA, Philippines- Natukoy na ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng bangkay na natagpuan sa Cavite–Laguna Expressway (CALAX) sa Silang, Cavite.

Ayon sa ulat nitong Miyerkules, nadiskubre ang putol na katawan sa loob ng isang garbage bag na itinapon sa kahabaan ng expressway sa Barangay Kaong nitong Lunes.

Kinilala ang biktima ng kanyang pamilya, na naghahanap sa lalaki sa nakalipas na dalawang linggo, sa pamamagitan ng yin and yang tattoo sa kanyang dibdib.

“Namatay si victim sa tatlong saksak sa dibdib. Malinis po yung pagka-cut doon po sa body parts doon sa mga body parts na nawala,” pahayag ni Silang Police Chief Police Lieutenant Louie Gonzaga.

Batay sa impormasyon mula sa pamilya, sinabi ng mga pulis na ang lalaki ay 23-anyos na residente ng Quezon City na sangkot umano sa illegal drug case.

“Ang recollection ng live in partner, March 3 sila last nagkita. Nung hapon, at around 12 pm, nagpunta sa bahay ng isang kakilala. Inihatid itong si victim ng kakilala nya doon sa kalapit na lugar. According to the family, sinamahan siya ng tatlong tao,” dagdag ni Gonzaga.

Nagsasagawa na ang mga awtoridad ng backtracking ng CCTV footage sa ilang lugar sa patuloy nilang paghahanap sa nawawalang mga parte ng katawan ng biktima.

Samantala, iniimbestigahan din ng National Bureau of Investigation at ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) ang insidente matapos matuklasan ang putol na katawan ng natukoy na Chinese national, sa Carmona, Cavite noong nakaraang buwan.

“Na-contact na natin yung isa sa mga magulang. May coordination na rin tayong ginagawa sa Embassy. May anggulo na nagtrabaho siya doon sa mga POGO hubs dito sa Metro Manila,” wika ni PAOCC Executive Director Gilbert Cruz. RNT/SA