MANILA, Philippines – Nagsasagawa ng imbestigasyon ang pulisya hinggil sa natagpuang bangkay ng isang babae sa isang construction site sa kahabaan ng CALAX Road sa Silang, Cavite, Linggo ng umaga.
Inilarawan ang babaeng biktima na tinatayang 40 hanggang 50 anyos, nakasuot ng kulay pink na sando, light brown jacket, maong pants, pulang cap, at puting tsinelas.
Sa ulat, dakong alas-9:15 ng umaga nang natagpuang ang bangkay ng isang babae sa Sitio Kasuyan, KM21+780, Brgy. Batas, Silang, Cavite.
Ayon sa nakakitang security guard, nagjo-jogging siya sa nasabing lugar nang napansin niya ang katawan ng isang babaeng nakahandusay sa lugar at nang lapitan nito ay napansin na tila wala nang buhay, dahilan upang ipagbigay-alam sa pulisya.
Nagsasagawa ng imbestigasyon ang pulisya upang madetermina ang sanhi ng pagkamatay ng biktima, kasabay ng pagbibigay ng alarma sa publiko para sa pagkakakilanlan nito. Margie Bautista