Caloocan City – Nagdaos ng motorcade sa Caloocan si Deputy Speaker at Kongresista Camille Villar, kasama si Caloocan Representative Oscar Malapitan, na bumaybay mula sa city hall patungo sa Monumento Circle.
Dumaan ang kanilang caravan sa iba’t ibang barangay at sinalubong ng mainit na pagtanggap mula sa libu-libong tagasuporta sa lungsod, na isa sa mga may pinakamaraming botante sa Northern Metro Manila.
Sa isang maikling pagpupulong kasama ang mga lokal na lider, binigyang-diin ni Villar ang kahalagahan ng pagpapalakas sa boses ng kabataan sa lokal na pamamahala.
Bilang pinakabatang kandidato sa pagka-senador para sa Mayo 12, 2025 elections, layunin ni Villar na magpasa ng mga batas na akma sa makabagong panahon, partikular sa larangan ng digital economy, financial literacy, at entrepreneurship.
Sa nalalabing mahigit isang buwan bago ang halalan, ipinagpapatuloy ni Villar ang kanyang kampanya sa Caloocan, Malabon, at Navotas (CAMANAVA) upang lalo pang palakasin ang kanyang senatorial bid. Kamakailan lamang, bumisita rin siya sa mga pamilihan sa Camarin area upang makipagdayalogo sa mga residente. RNT