MANILA, Philippines – Idineklara ng Department of Agriculture (DA) na “bird flu-free” na ang Camarines Norte, halos tatlong buwan matapos matukoy ang kaso ng avian influenza sa probinsya.
Opisyal na inanunsyo ni Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr. ang deklarasyong ito matapos ang matagumpay na pagpuksa sa highly infectious na H5N2 strain na unang nakita sa isang backyard duck farm sa bayan ng Talisay noong Disyembre.
Ayon sa DA, naging posible ang tagumpay na ito dahil sa mabilis at koordinadong aksyon ng lokal na pamahalaan ng Camarines Norte, municipal government, DA Regional Field Office V, at Bureau of Animal Industry (BAI).
Kabilang sa kanilang isinagawang hakbang ang agarang pagpatay sa mga apektadong hayop, malawakang paglilinis at disinfection, paglimita sa galaw ng mga hayop, at pinalakas na surveillance, alinsunod sa guidelines ng Avian Influenza Protection Program (AIPP).
Matapos ang masusing pagbabantay sa loob ng isang kilometro at pitong kilometrong radius mula sa apektadong lugar, wala nang naitalang panibagong kaso ng bird flu at negatibo ang lahat ng resulta ng pagsusuri.
Dahil sa 28 araw na walang naitalang bagong kaso at matapos sundin ang “stamping-out” policy at disinfection measures, muling naabot ng Camarines Norte ang mga pamantayang itinakda ng World Organization for Animal Health para maibalik ang kanilang status bilang “bird flu-free” na probinsya. Santi Celario