BAGAMAN bonggang-bongga ang anunsyo ng pamahalaan na naka-live streaming na ang deliberasyon sa 2026 national budget, nananatiling mabigat ang pagdududa ng mamamayan.
Hindi dahil kontra ang taumbayan sa teknolohiya o sa pagbubukas ng proseso, kundi dahil sa mahabang kasaysayan ng panlilinlang na paulit-ulit nang naranasan. Sa simpleng tanong na ito nasusukat ang tunay na kalagayan ng bansa na kung bukas na ang kamera, bakit sarado pa rin ang tiwala?
Ilang administrasyon na ang dumaan na nangakong magdadala ng transparency, accountability, at good governance. Ilang beses na ring narinig ang parehong linya mula sa mga nakaupo sa pwesto na wala raw itinatago, malinis daw ang budget, at para raw sa taumbayan ang bawat sentimo. Ngunit sa dulo, pareho ang resulta, hindi maitatanggi na may insertions, may kickback, at may mga proyektong sa papel lang nagaganap. Kaya ngayon, kahit may live streaming, hindi basta-basta napaniniwala ang publiko.
Ang totoo, hindi sa plenaryo karaniwang nangyayari ang katiwalian. Hindi ito isinasagawa habang may kamera at mikropono. Ang anomalya ay nasa likod ng eksena na nangyayari sa huling minuto ng bicameral conference, sa technical adjustments, sa mga annex na hindi binibigyang pansin. Anong silbi ng live streaming kung ang tunay na galawan ay hindi naman nakikita?
Transparency ay hindi lang pagpakikita ng mukha sa kamera. Accountability ay hindi lang pagpapaliwanag sa ere. At good governance ay hindi slogan na inuulit sa bawat budget hearing. Ang mga ito ay nasusukat sa resulta at kung may naparurusahan, kung may napananagot, at kung may aktwal na pagbabago sa sistema. Hangga’t walang nakukulong o natatanggal sa pwesto dahil sa budget anomalies, mananatiling hungkag ang mga salitang ito.
Masakit aminin, pero ang live streaming, para sa marami, ay isa lamang bagong porma ng palabas. Maganda sa mata, pero walang katiyakan sa likod. Hindi sapat na makita ang mga mambabatas na nagdedebate kung sa huli ay pare-pareho pa ring sila ang makikinabang. Ang taumbayan ay hindi na humahanga sa talumpati sa halip ay naghahanap na sila ng ebidensya.
Kung seryoso ang pamahalaan sa reporma, dapat lampasan ang simbolismo. Ilantad ang bawat line item ng budget. Ipaliwanag kung sino ang nagpasok ng proyekto at bakit. At higit sa lahat, parusahan ang sinomang lumabag, kaibigan, kamag-anak man o kaalyado. Doon lang muling mabubuo ang tiwala ng publiko.
Sa ngayon, malinaw ang mensahe ng mamamayan na hindi sapat ang live streaming para sabihing malinis ang gobyerno. Ang tunay na transparency ay hindi lang napapanood subalit ito ay nararamdaman kapag ang pera ng bayan ay hindi na ninanakaw.






